HINDI malilimutan ni Fr. Luciano Felloni, isang Argentinian national at paring tagapamahala ng Our Lady of Lourdes Parish sa Camarin, Caloocan City ang kababaang-loob ni dating Reberendo Padre Jorge Mario Bergolio na nahalal na santo papa.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Fr. Felloni, na isang simpleng propesor ng ng Literatura sa kanilang seminaryo si Fr. Bergolio. Bukod sa pagiging propesor, sinabi ni Fr. Felloni na nangungumpisal siya kay Fr. Bergolio na may katangiang makinig bago magpayo sa mga nangungumpisal.
Napaka-low profile umano ni Fr. Bergolio kaya't ni hindi nila inakalang magiging isang obispo. Karaniwan niyang itinatanong kung kumusta ang pakikisalamuha ng mga seminarista sa mahihirap na mamamayan ng Argentina. Ginugol ni Fr. Felloni ang higit 20 taon ng kanyang buhay sa Pilipinas, sa pagiging paring tagapamahala sa Payatas at sa iba pang mga parokya sa ilalim ng Diocese of Novaliches.
Sa panig ni Sr. Mary John Mananzan, OSB, isang dating co-chair ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, isa sa pinakamagandang pangyayari sa Simbahang Katolika ang pagkakahalal kay Pope Francis bilang pinuno ng higit sa isang bilyong mananampalataya.
Ang kanyang pamumuhay ng ayon sa kanyang mga itinuturo ang nagsisilbing inspirasyon sa madla. Mayroong koneksyon ang kanyang sinasabi sa kanyang ginagawa na nananatiling kapuri-puri sa mata ng madla.