IMINUNGKAHI ni Senate President Franklin M. Drilon sa Senate panel na dumirinig sa mga isyung bumabalot sa Bangsamoro Basic Law, na anyayahan din ang mga kasama sa 1986 Constitutional Commission upang masuri ang "constitutionality" ng panukalang batas na mahalaga sa pagkakaroon ng matagalang kapayapaan sa Mindanao.
Naniniwala si Senate President Drilon na makatutulong sa talakayan sina dating Chief Justice Hilario Davide, dating Justice Adolf Azcuna, dating Comelec Chair Christian Monsod. Fr. Joaquin Bernas, SJ at dating Comelec Commissioner Rene Sarmiento.
Kailangan ang pananaw ng mga dalubhasa upang makita ang mahihinang bahagi ng panukalang batas at upang matiyak na walang anumang bahagi nito ang lumalabag sa Saligang Batas samantalang tumatalima sa pagkilala at layunin ng mga autonomous regions.