|
||||||||
|
||
NANINIWALA si Senador Miriam Defensor Santiago na may pananagutan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa naganap na sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng may 60 kataong kinabibilangan ng may 44 na tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police.
Sa isang panayam matapos ang kanyang pagtatanong sa sesyong ginawa sa Senado, sinabi ng mambabatas na limitado lamang sa apat katao ang operasyon. Kinilala niya ang apat na sina Pangulong Aquino, ang suspendidong Chief of the Philippine National Police Alan Purisima, Director Getulio Napeñas at Intelligence Group Director Fernando Mendez.
Dahil sa hindi nagtagumpay na operasyon, lalo't higit sa pagkasawi ng 44 katao ng pamahalaan, ani Senador Santiago, nararapat lamang na managot silang lahat.
Binanggit ng mambabatas na maaaring panagutin ang mga may kagagawan sa court marshal. Maaari din silang ihabla sa hukuman at mapasailalim ng preliminary investigation sa Ombudsman.
Hindi makakasama sa mga maihahabla si Pangulong Aquino sapagkat mayroon siyang immunity. Makakasuhan lamang ang pangulo matapos siyang bumaba sa tanggapan sa 2016.
Ang mga opisyal na maipagsasakdal ay makakaharap sa hukuman o sa Ombudsman. Subalit sa oras na may magsumbong sa International Criminal Court laban sa isang opisyal na may ranggong colonel pataas o 'di kaya ay pangulo ng bansa, may magaganap na pagdinig at paglilitis.
Idinagdag pa ni Senador Santiago na kahit pa anong sabihin ni Pangulong Aquino na matagal na ang operasyon laban sa mga terorista sa Mindanao at hindi na mangangailangan ng kanyang utos upang dakpin ang mga terorista at mga pinaghahanap na batas, hindi kapani-paniwala ito.
Niliwanag ni Senador Santiago na kahit pa anong batikos ang kanyang gawin kay Pangulong Aquino, hindi siya sang-ayon sa binabalak na coup d' etat na paksa ng mga pinuno ng iba't ibang grupo.
Hindi pa lamang nagkakasundo ang grupo kung sino ang ipapalit kay Pangulong Aquino. Kausap na umano ng mga nagbabalak ng coup ang kanilang financier, ang pinakamayamang tao sa Pilipinas.
Bilang pangulo ng bansa, matatanggal lamang siya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment subalit hindi ito magaganap sa dami ng mga kasapi ng Partido Liberal sa Mababang Kapulungan.
Napagtanto niya sa ginawang pagdinig na walang katapatan ang Moro Islamic Liberation Front sa pagbaril at pagpatay ng 44 na kapwa nila mga Filipino na maaaring kinatampukan ng mga tauhan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Naniniwala ang mambabatas na marami na ring mga senador ang nagdududa sa ginawa ng MILF.
MILF NEGOTIATING PANEL HEAD, DUMALO SA PAGDINIG. Sinusuri ni MILF peace panel chair Mohagher Iqbal (kanan) ang mga dokumentong ipinakikita ni B/General Carlito Galvez, Jr. ng Philippine Government Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities sa ikatlong araw ng pagdinig ng Senado ng Pilipinas sa naganap sa Mguindanao. (PRIB Photo ni Cesar Tomambo)
Mahalaga rin kay Senador Santiago na suriin ang ceasefire mechanisms na pinagkasunduan ng mga negosyador ng magkabilang-panig, lalo pa't kung igagalang ito sa mga susunod na pagkakataon tulad ng nakasaad sa Bangsamoro Basic Law. Mahalaga ring suriin ang ginawang "intervention" ng Malaysia at Estados Unidos sapagkat lumabas na ang pahayag na limitado ang kanilang tulong sa pag-aalok ng pabuya.
Para sa mambabatas, hindi ito kapani-paniwala.
Nanawagan din si Senador Santiago na alamin ang naging papel ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ipinagtatanong din niya kung mayroong drone sa pook ng sagupaan. Nais din niyang malaman kung bakit sa mga tauhan ng Federal Bureau of Investigation ibinigay ang kontrobersyal na daliri ng sinasabing si Marwan at kung bakit hindi ipinagkaloob sa National Bureau of Investigation.
Sa tanong kung lahat ng kasalanan ay ipapataw kay Police Director Napeñas, sinabi ni Senador Santiago na walang ibang babagsakan ng sisi kungdi ang sinibak na Special Action Force director.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |