Kaugnay ng pagbisita kahapon ni Punong Ministro Narendra Modi ng Indya sa di-umanong "Arunachal Pradesh," pinagtatalunang lugar sa hanggahan ng Indya at Tsina, sinabi nang araw ring iyon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na buong higpit na tumututol ang panig Tsino sa naturang aksyon ng lider na Indyano. Nagharap aniya ang Tsina ng representasyon sa Indya kaugnay ng pangyayaring ito.
Sinabi ni Hua na malinaw at konsistente ang paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng hanggahan ng Tsina at Indya. Aniya, umiiral ang malaking pagtatalo hinggil sa silangang bahagi ng hanggahan ng dalawang bansa, at hindi kinikilala ng Tsina ang "Arunachal Pradesh."
Dagdag ni Hua, ang naturang aksyon ng lider na Indyano ay hindi makakabuti sa pagkontrol at paglutas ng Tsina at Indya sa mga pagkakaiba, at hindi rin angkop sa pangkalahatang kalagayan ng relasyon ng dalawang bansa. Hinihiling aniya ng panig Tsino sa panig Indyano na maayos na lutasin ang isyu ng hanggahan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng talastasan, at bago lutasin ang isyung ito, huwag isagawa ang anumang aksyong magpapasalimuot ng isyu.