|
||||||||
|
||
Katatapos lamang ng taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), lehislatura ng Tsina at Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), punong organong tagapayo ng bansa.
Ayon sa isang artikulo ng Xinhua, opisyal na ahensiya sa pagbabalita ng Tsina, ang New Normal, pagpapalalim ng reporma, pangangasiwa ayon sa batas, pagpapasulong ng inobasyon at pagpapatupad sa Belt and Road Initiative, ay ang mga tampok sa nasabing dalawang sesyon.
Anito, batay sa New Normal, kasalukuyang pambansang patakarang pangkabuhayan, naitakda ng Tsina ang estratehiya ng pagpapasulong ng katamtamang-bilis na paglaki ng Gross Domestic Product (GDP). Ayon pa sa Xinhua, ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa kalidad ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan.
Sa taong ito, itinatampok din ng pamahalaang Tsino ang pagpapalalim ng reporma. Sa government work report na inilahad ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa katatapos na sesyon ng NPC, mahigit 80 beses niyang binanggit ang salitang reporma. Ang taong 2015 ay kinakikitaan ng mga reporma sa iba't ibang larangan na gaya ng pinansya, pangongolekta ng buwis, at mga bahay-kalakal na ari ng estado.
Ayon pa sa artikulo ng Xinhua, ang pagpapasulong ng inobasyon ay isa pang priyoridad ng pamahalaang Tsino sa taong ito. Ang mga bagong konseptong tulad ng maker at Internet+ ay mababasa rin sa government work report ng Tsina para sa taong ito.
Sa kanyang taunang ulat hinggil sa trabaho ng pamahalaang Tsino, itinampok din ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang pagpapasulong ng "Belt and Road" Initiative, pinaikling termino ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road.
Ayon kay Premyer Li, ang pagpapatupad sa "Belt and Road" Initiative ay makakatulong sa balanseng pag-unlad ng iba't ibang lugar ng Tsina, at makakatulong din ito sa pagtutulungan ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road.
Sa kabilang dako, ang land-based na Silk Road Economic Belt naman na nagsisimula sa Tsina ay dumadaan sa Central Asia at Rusya, hanggang sa Europa; samantalang, ang 21st Century Maritime Silk Road ay nagsisimula rin sa Tsina, patimog sa teritoryo ng mga bansa ng Timog-silangang Asya. Mula naman sa Malacca Strait, tumutungo pakanluran ang Maritime Silk Road sa mga bansa sa baybayin ng Indian Ocean. Pagkatapos, dumadaan ito sa Gitnang Silangan at Silangang Aprika at nag-uugnay sa land-based Silk Road sa Venice.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |