|
||||||||
|
||
NANINIWALA si Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay na marami pang nararapat gawin upang higit na umunlad ang Pilipinas. Kailangan ang mga ito upang higit na tumibay ang nasimulan ng Aquino administration na magtatapos sa ika-30 ng Hunyo, 2016.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga pinuno at kasapi ng Integrated Bar of the Philippines sa Cebu City, sinabi ni G. Binay na sa katotohanang pangalawa ang Pilipinas sa Tsina kung ekonomiya ang pag-uusapan, maraming mga Filipino ang wala pa ring trabaho. Marami pa rin ang mahihirap.
Hindi malawakan ang paglago ng ekonomiya kaya't hindi masasabing matatag. Nararapat magkaroon ng dagdag na investments sa manufacturing, agriculture at tourism upang higit na dumami ang hanapbuhay sa Pilipinas.
Nararapat lamang na pag-ibayuhin ang pangongolekta ng buwis at masugpo ang mga katiwalian ng higit pa sa mga slogan at talumpati. Nararapat kumilos ang buong makinarya ng pamahalaan upang maging malawakan ang kaunlaran.
Nararapat lamang na sa unang araw pa lamang ng bagong pamahalaan ay kumikilos na at napapakinabangan na ng madla ang mga programa tulad ng pagpapaluwag ng mga daungan upang matiyak ang madaliang pagdating ng pagkain nang hindi na makakasabagal sa trapiko.
Kailangan ding maayos ang mga palikuran sa mga paliparan na may malakas na daloy ng tubig upang makumbinse ang mga panauhing karapatdapat silang dumalaw at mangapital sa Pilipinas.
Idinagdag pa ni G. Binay na kailangang ligtas, maayos at maasahan ang mga tren para sa lahat ng mga sumasakay. Sa oras na gumanda ang serbisyo ng mga tren, sasakay na rin ang mga may kotse upang maibsan ang trapiko at mapaluwag ang mga lansangan. Dapat maging prayoridad ang pagtatayo ng mga pagawaing-bayan sa ilalim ng public-private partnership upang higit na madagdagan ang mga hanapbuhay para sa mga propesyunal at mga manggagawa.
Nararapat bigyang-pansin ang mga pagawaing-bayan kasabay ng paggastos sa power generating capacity upang makatugon sa pangangailangan ng industriya at mga mamamayan. Dapat ding maibaba ang halaga ng kuryente at matiyak na maasahan ang supply nito.
Nararapat ding maayos ang paggasta ng salapi ng bayan at prayoridad ang edukasyon, kalusugan, kapayapaan at kaayusan, at pabahay. Hindi na kailangan ang pagkakaroon ng Disbursement Acceleration Program o DAP at Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Dapat ding bigyan ng atensyon ang state colleges and universities, public hospitals, mga klinika, himpilan ng pulisya at maging pabahay ng mga manggagawa. Upang matamo ang propesyunalismo sa pamahalaan, dapat lamang dagdagan ang sahod ng mga guro sa public schools, public health workers, mga pulis at mga magagaling na kawani ng mga tanggapan ng ehekutibo.
Kailangan umano ng Pilipinas ang isang "unifying president" sa 2016.
Hinggil sa naganap sa Mamasapano, sinabi ni G. Binay na nauunawaan niya ang pagtatangka ng PNP Board of Inquiry at ng pinagsanib na mga komite sa Senado na alamin ang detalyes upang matulungan ang madlang maunawaan ang naganap. Limitado nga lamang ang kanilang kakayahan, sabi ni G. Binay.
Hindi matatahimik ang konsensya ng bansa samantalang hindi nakakamtan ang katarungan para sa mga napaslang na tauhan ng PNP Special Action Force. Sa paggagawad ng katarungan lamang makikita ng madla ang katotohanan.
Suportado niya ang pagtatayo ng isang independent commission na may kakayahang mabatid ang buong katotohanan sa trahedyang naganap. May papel na magagampanan ang Integrated Bar of the Philippines kasama ang mga kinatawan ng ma kapulungan tulad ng Catholic Bishops Conference od the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry upang tumulong sa pagsisiyasat.
Umaasa si G. Binay na aktibong makakasama ang Integrated Bar of the Philippines sa kalipunang ito. Sa naganap sa Mamasapano na ikinasawi ng mga tauhan ng Special Action Force, nakita ng madla ang maituturing na "constitutional defects" ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Nararapat lamang itong masuri ng balana. Hindi kailangang madaliin ang pagpapasa ng panukalang batas. Kung hindi ito makakapasa sa kasalukuyang pamahalaan, pabayaan na ang susunod na mamumunong harapin ang isyu na magbibigay ng prayoridad sa Saligang Batas at sa kabutihan ng mga mamamayan at ng bansa sa 2016.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |