Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

K+12 nararapat lamang na ituloy

(GMT+08:00) 2015-03-23 17:48:40       CRI

NANINIWALA si Education Secretary Bro. Armin A. Luistro, FSC at Higher Education Commissioner Cynthia Bautista na nararapat ituloy ang K+12 program na nagdaragdag ng dalawang taong senior high school sa lahat ng mga paaralan sa bansa mula sa susunod na taon.

Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kanina, sinabi ni Secretary Luistro na handa na ang lahat para sa pagpapatupad ng panibagong programa upang makatugon sa pangangailangan ng panahon.

Para kay Commissioner Bautista, isa sa mga problemadong sektor ang mga manggagawang Filipiino tulad ng mga nasa Saudi Arabia na kahit pa mga enhinyero ay ibinaba sila sa kanilang mga posisyon dahil sa kakulangan ng panahong ginugol sa pag-aaral sa Pilipinas.

Para kay Dr. Ester Ogena, pangulo ng Philippine Normal University, inihahanda nila ang kanilang mga mag-aaral upang makapagturo sa ilalim ng K+12 program. Wala rin silang pangambang maapektuhan ang mga propesor sa kanilang pamantasan sapagkat samantalang bababa ang bilang ng magkokolehiyo sa pagpapatupad ng dalawang taong senior high school, gugugulin nila ang panahon sa pagsasanay ng kanilang mga propesor sa larangan ng masteral at doctoral studies.

Subalit ipinangangamba nina Alliance of Concerned Teachers Congressman Antonio L. Tinio at Dr. Rene Luis Tadle ng Suspend K + 12 Coalition na kailangang suspendihin ang programa hanggang hindi pa natutugunan ang mga puna ng iba't ibang sektor tulad ng kawalan ng katiyakang hindi matatanggal sa trabaho ang mga guro at non-teaching personnel sa mga pribadong paaralan.

Ipinaliwanag nila na walang problema sa mga guro ng pamahalaan sapagkat karamihan ng mga nasa elementarya at regular high schools sa buong bansa ay nag-aaral sa mga government-run school. Ikinabahala pa rin ni Congressman Tinio na mapipilitang gumastos ang mga magulang sapagkat ang senior high school ay mangangailangan ng matrikula at iba pang bayarin.

Ayon kay Secretary Luistro, may pagpipilian ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang kung pang kolehiyo ba ang nais nilang tahakin sa kanilang pag-aaral o ang paglalaan ng panahon para sa technical-vocational education. Mabuti na lamang ay mayroong Government Assistance to Private Education o GASPE na ipinatupad noong dekada nobenta. Ang programang ito ang naglalaan ng salapi sa mga pribadong paaralan para sa mga mag-aaral na hindi kakayahing makapasok ng mga pampublikong paaralan.

Isa sa mga ikinababahala ni Dr. Tadle ang pagbabawas ng mga teaching load ng mga propesor sa mga pribadong paaralan. Inihalimbawa niya ang kanilang kasunduan sa University of Santo Tomas na mayroong libreng matrikula ang kanilang apat na anak samantalang mayroon silang full load sa pagtuturo. Sa ilalim ng makabagong programa, tiyak na mababawasan ang teaching load ng mga propesor sapagkat mababawasan din ang bilang ng mga papasok sa paaralan.

Ikinalungkot din ni Dr. Tadle na unti-unting natutungo ang propesyon ng pagtuturo sa kontraktualisasyon sapagkat sa pagbabago ng terms of reference sa kanilang pagkaka-empleyo, may mga kontrata nang lalagdaan ang mga kolehiyo at pamantasan sa kanilang mga propesor na maaaring humantong sa paglapastangan sa "academic freedom."

Para kay Commissioner Bautista, hindi sapat ang marunong mag-Ingles sapagkat nauna na ang mga bansang Singapore, Malaysia at Thailand sa larangan ng post-graduate studies. Dati umanong pinamumunuan ng Pilipinas ang larangang ito subalit ngayo'y na sa ikalawang bahagdan na lamang ang Pilipinas. Binubuo ng Indonesia at Vietnam ang ika-apat at ikalimang baytang samantalang nasa ika-anim na puesto ang Pilipinas.

Nangangamba siya na baka makahabol pa ang Brunei, Cambodia, Myanmar, at Laos. Idinagdag pa ni Commissioner Bautista, karamihan ng mga dalubhasa sa Thailand ay sa Pilipinas pa nag-aral ng kanilang post-graduate courses.

Mayroon ding nakabimbing panukalang batas na maglalaan ng P 29 bilyon para sa transition ng programa sa K+12. Samantala, sinabi naman ni Dr. Tadle at Congressman Tinio na mahirapa ng makalusot sa Kongreso at Senado ang panukalang batas sapagkat gahol na sa panahon.

Sinabi naman ni Secretary Luistro at Commissioner Bautista na mayroon pang sapat na panahon hanggang sa darating na Hunyo, bago magbakasyon ang mga mambabatas.

Handa umano silang makipagtulungan sa mga kinatawan ng iba't ibang sektor tulad ng samahan nina Dr. Tadle upang magkasamang malutas ang mga pangamba.

Ang K+12 program, ani Secretary Luistro ay siyang bunga ng mga magagandang gawi ng mga nakalipas na administrasyon sa larangan ng Edukasyon. Nagpasalamat din siya sa panahong ginugol ng namayapang Congressman Salvador H. Escudero III na sumama at nag-organisa ng mga pagpupulong at konsultasyon hinggil sa napakahalagang paksa ng K+12.

Magugunitang nagtungo sa Korte Suprema ng Pilipinas sina Dr. Tadle upang humiling ng kaukulang desisyong pipigil sa pagpapatupad ng K+12 program. Naniniwala umano si G. Tadle na may mga susunod pang grupo na magtutungo sa Korte Suprema upang magpetisyon.

Nagkasundo silang talagang kailangan ang pagdaragdag ng panahon sa pag-aaral upang makatugon sa mga pangangailangan ng lipunan.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>