|
||||||||
|
||
NAKARATING na sa Senado ang sipi ng pagsisiyasat na ginawa ng Moro Islamic Liberation Front sa naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na ika-25 ng Enero.
Napapaloob sa 35-pahinang ulat na ipinadala sa kay Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, na makatarungan lamang ang naganap na sagupaang ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force.
Makatarungan lamang ang ginawang pagtatanggol ng Bangsamoro Islamic Armed Forces matapos silang paputukan ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force. Sapagkat walang anumang koordinasyong naganap, walang alam ang mga tauhan ng BIAF na may mga pulis sa Sitio Amilil na kanilang kasama sa isang kasunduan.
Ayon sa ulat, nang sila ay paputukan sa isang tulay na kahoy sa Tukanalipao, walang nagawa ang mga kasapi ng BIAF sapagkat dalawa sa kanilang mga tauhan ang napaslang sa pagsalakay ng mga PNP-SAF.
Nagmula ang ulat sa mga panayam sa mga kasapi ng MILF, mga miyembro ng BIAF na naglalakad patungo sa Sitio Amilil mga ika-apat at kalahati ng umaga noong Linggo, ika-25 ng Enero ng paputukan sila ng 55th Special Action Company na ikinasawi ng dalawang MILF.
Ayon sa ulat, madilim pa noon at hindi nakilala ng BIAF forces kung anong grupo ang nagpaputok sa kanila. Nakaposisyon ang mga tauhan ng 55th Special Action Company sa 15 metrong lawak ng ilog at nagkubli sa mga maisan.
Samantalang 'di makilala ng mga BIAF ang mga nagpapaputok sa kanila, inakala nilang hindi mga kaibigan ang mga armadong nagpaputok sa kanila.
Nagpatuloy na ang putukan sa pagitan ng dalawang grupo at inakala ng BIAF na ang mga armadong sumalakay sa kanila ay mga kawal ng Philippine Army. Sa pagpapatuloy ng putukan, mas maraming kasapi ng BIAF na naninirahan sa Tukanalipao at mga kalapit pook ang dumating upang tulungan ang kanilang ma kasama. Higit umano sa 100 mga MILF ang nakasagupa ng mga pulis.
Wala umanong organisadong central command na nangasiwa sa kalagitnaan ng putukan. Ayon pa sa ulat, ang dami ng mga tauhan ng MILF, ang kanilang kasanayan sa lupain at pagkakaroon ng high-caliber firearms ang naging dahilan upang mapaslang ang mga PNP-SAF.
May 17 mga kasapi ng MILF at tatlong iba pang mga sibilyan ang napaslang sa sagupaan.
Sa pangyayaring naganap, nararapat lamang magprotesta ang MILF sa paglabag ng ceasefire ng mga tauhan ng PNP-SAF, nararapat ding magkaroon ng imbestigasyon sa posibleng pananagutan ni Police Officer 2 Christopher Lalan na diumano'y pumatay ng apat na MILF combatants samantalang natutulong sa isang mosque sa Tukanalipao. Nilabag ng PNP-SAF ang tigil-putukan ng Pamahalaan ng Pilipinas at MILF at ang Implementing Guidelines of AHJAG sapagkat walang koordinasyong naganap sa pamamagitan ng mga protocol sa ceasefire mechanism.
Lumabag umano ang PNP-SAF sa karapatang pangtao sa ginawa ni Lalan pagpaslang sa apat na mandirigma ng MILF. Si Lalan ang isa mga mga nakaligtas sa Mamasapano operation noong Enero.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |