Isiniwalat kahapon ni Huang Songping, Tagapagsalita ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, na bagama't hindi pa naitatatag ang Silk Road Economic Belt at 21st-Century Maritime Silk Road o "One Belt One Road," bumilis na ang paglaki ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at mga may kinalamang bansa at rehiyon.
Ayon kay Huang, noong unang kuwarter ng taong ito, umabot sa halos 1.45 trilyong yuan RMB o mahigit 233 bilyong Dolyares ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina at mga bansa at rehiyon sa kahabaan ng "One Belt One Road." Ang bolyum na ito ay katumbas ng mahigit sa sangkaapat ng kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina noong panahong iyon.
Sinabi rin ni Huang na sa susunod na yugto, pabubutihin ng kanyang administrasyon ang mga gawain sa aspekto ng adwana para sa "One Belt One Road Initiative," na gaya ng lohistika, pandaigdig na kooperasyon ng mga adwana, e-commerce, at iba pa.
Salin: Liu Kai