|
||||||||
|
||
Mga miyembro ng Sindaw Philippines Performing Arts Guid
Isang pagtitipon upang ipakilala sa mga Tsino ang magagandang tanawin, lugar, musika, sayaw, at kultura ng Pilipinas ang idinaos kagabi sa Kerry Hotel sa Beijing.Sa nasabing pagtitipon na pinangalanang Philippine Tourism Networking Dinner Reception, 12 kompanyang panturismo ng Pilipinas ang nagbigay ng presentasyon sa mga kaibigang Tsino at mga tour operator ng Tsina tungkol sa mga bentahe ng Pilipinas pagdating sa turismo.
Si Kagalanggalang Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina na ang turismo ng Pilipinas ay isa sa mga sektor ng bansa na may magandang outlook.
Mula noong Enero hanggang Oktubre ng taong 2014, umabot aniya sa halos 4 na milyon ang bilang ng mga internasyonal na turistang pumasok sa Pilipinas.
Ito ay lumaki ng mahigit 2% kumpara sa parehong panahon ng nakaraang taon, dagdag ni Basilio.
Mga dumalo sa Resepsyon
Sinabi pa ng embahador na ang Tsina ang siya pa ring ika-4 na pinakamalaking tourist market ng Pilipinas noong 2014, at umabot sa halos 400,000 ang bilang ng mga turistang Tsino na namasyal sa Pilipinas sa panahong ito.
Ani Basilio, mula noong nailunsad ang programang panturismo na "It's More Fun in the Philippines," nadidiskubre ng parami nang paraming kaibigang Tsino na totoo pa lang "It's More Fun in the Philippines."
Mula sa kaliwa: Richelle Kate D. King, Marketing and Communications Manager at Belinda M. Candelaria, Assistant Vice President for Sales and Marketing ng Crown Regency Hotels and Resorts
Ibinida rin ni Basilio ang mga natamong parangal ng sektor na panturismo ng Pilipinas na gaya ng 2014 Destination of the Year Award mula sa TTG Asia ng Singapore, isa sa mga pinaka-prestihiyoso at pinaka-impluwensyal na parangal sa rehiyong Asya-Pasipiko; pagkakalakip sa Palawan bilang numero uno (1) at Boracay bilang panlabindalawa (12) sa listahan ng Top 30 Islands in the World ng internasyonal na travel magasin, Conde Nast Traveler; 2014 Best Tropical Island Destination mula sa Shanghai Morning Post; 2015 Best Tropical Island Destination mula sa Shanghai Morning Post; 2015 Most Popular Dive Destination mula sa Dive and Resort Travel ng Shanghai; at marami pang iba.
"It's More Fun in the Philippines!"
Bukod dito, ipinaabot ni Basilio ang taos-pusong pasasalamat ng Pilipinas sa industriya ng turismo ng Tsina sa kanilang di-natitinag na pagpupunyagi at di-masusukliang kontribusyon sa pagpapakilala at pagsusulong ng turismo ng Pilipinas at pagpapalakas ng pagkakaibigan sa pagitan ng mga Pilipino't Tsino.
Inimbitahan din ng embahador ang lahat ng kalahok sa naturang pagtitipon na bisitahin ang Pilipinas, upang makita at maranasan ang sayang dulot ng pagbisita sa Pilipinas.
Mula sa kaliwa: Wang Le, Machelle Ramos, parehong mula sa Serbisyo Filipino ng China Radio International at Niel P. Ballesteros, Tourism Attache ng Pilipinas para sa Mainland China
Ang Philippine Tourism Networking Dinner Reception ay itinaguyod ng Department of Tourism (DoT) sa pangunguna ni Niel Ballesteros, Tourism Attache ng Pilipinas sa Mainland Tsina at Embahada ng Pilipinas sa Tsina.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |