Ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa mga isyu ng South China Sea at East China Sea, laging pinaninindigan ng Tsina na dapat lutasin ng mga bansang may direktang kaugnayan sa mga isyung ito ang kanilang hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Dagdag pa niya, laging nagsisikap ang Tsina, kasama ng mga may kinalamang bansa, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito, at pasulungin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at win-win result.
Winika ito ni Hong bilang tugon sa isang pahayag na ipinalabas kamakailan ng pulong ng mga ministrong panlabas ng G7. Ipinahayag sa pahayag na ito ang pagkabahala sa di-umanong unilateral na aksyon na nagbabago ng status quo sa naturang dalawang karagatan at nagpapalala ng tensyon sa rehiyong ito.
Kaugnay nito, ipinahayag din ni Hong na sa kasalukuyan, matatag sa kabuuan ang kalagayan sa South China Sea at East China Sea at nagkakaroon ng positibong progreso ang kooperasyong may kinalaman sa mga isyung ito. Umaasa aniya ang Tsina na lubos na igagalang ng mga bansa ang ginawang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito, at gagawin ang mas maraming bagay na makakabuti sa rehiyonal na kapayapaan at katatagan.