Idinaos kahapon sa Jakarta, Indonesya, ang isang pulong bilang paghahanda sa pagdaraos ng bagong round ng Asia-African Conference at selebrasyon sa ika-60 anibersaryo ng unang Asia-African Conference na tinatawag ding Bandung Conference. Lumahok sa pulong ang mga ministeryal na opisyal mula sa halos 100 bansa ng Asya at Aprika.
Sa kanyang talumpati sa pulong, tinukoy ni Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin ng Tsina, na may mahalagang katuturang pangkasaysayan ang Bandung Conference. Aniya, ang sampung prinsipyong itinakda sa Bandung Conference ay nagsisilbing saligang prinsipyong tagapatnubay sa relasyong pandaigdig, at ang diwa ng Bandung Conference na nagtatampok sa pagkakaisa, pagkakaibigan, at pagtutulungan ay malawakang tanggap ng komunidad ng daigdig.
Ipinahayag din ni Liu na ang pagdaraos ng bagong round ng Asia-African Conference at selebrasyon sa ika-60 anibersaryo ng Bandung Conference ay mahalaga para sa pagpapalakas ng pagtutulungan ng mga bansang Asyano at Aprikano, pagpapasulong sa South-South Cooperation at North-South Dialogue, at pagtatatag ng bagong relasyong pandaigdig na may pagtutulungan at win-win situation.
Salin: Liu Kai