Sa World Expo 2015 na binuksan kahapon sa Milan, Italya, idinaos ang seremonya ng pagbubukas ng China Pavilion, at isang video speech ang ipinadala ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa aktibidad na ito.
Ipinahayag ni Xi ang mainit na pagtanggap sa mga bisita sa China Pavilion. Tinukoy niyang itinatampok ng China Pavilion ang tema hinggil sa agrikultura at pagkain. Aniya, sa China Pavilion, malalaman ng mga bisita ang mahabang sibilisasyong agrikultural, maunlad na siyensiya at teknolohiyang pang-agrikultura, at makukulay na kultura ng pagkain ng Tsina.
Sinabi rin ni Xi na pinasusulong ngayon ng Tsina ang modernisasyong pang-agrikultura. Nakahanda aniya ang Tsina na makipagpalitan sa mga ibang bansa hinggil sa mga teknolohiya at karanasan sa aspektong ito, para magkakasamang pangalagaan ang seguridad sa pagkain ng daigdig, at pasulungin ang progreso ng sibilisasyon ng sangkatauhan.
Salin: Liu Kai