|
||||||||
|
||
Mula sa kaliwa: Major General Xiao Xiaoming (Air Force Command College, Ministry of Defense ng Tsina), Embahador Erlinda F. Basilio, Lin Yi (Vice President ng CPAFFC), at Bai Tian (Pangalawang Puno ng Kawanihan ng mga Suliraning Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina), habang hinahati ang friendship cake
Friendship cake
Isang pagtitipon bilang pagdiriwang sa Ika-117 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at Ika-40 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at Tsina ang idinaos kagabi sa Beijing.
Embahador Erlinda F. Basilio
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na ang Ika-117 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ay isang oportunidad para sa lahat ng Pilipino, hindi lamang para ipagdiwang ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bansa, kundi, para rin sa paggunita sa kabayanihan, katapangan at pagmamahal sa Bayan ng mga ninunong Pilipino.
Ani Basilio, sa nakalipas na 64 na kuwarter sa 16 na taon; ang Pilipinas ngayon ay isa na sa mga pinakamabilis umunlad na pamilihan sa Asya.
"Ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ngayong 2015 ay inaasahang aabot sa 7 hanggang 8 porsiyento, mula sa mahigit 6 na porsiyento lamang noong 2014," aniya pa.
Ipinahayag ng embahador, na ipinatupad din ng Pilipinas ang mga repormang administratibo at lehislatibo upang makaakit ng maraming dayuhang pamumuhunan at pinabuti ang pamamahala sa bansa upang masuportahan ang mga pag-unlad na ito.
Aniya, ang partnership ng Pilipinas sa Tsina, sa larangan ng pulitika, ekonomiya, socio-cultural at people-to-people exchanges; kasama ang relasyon ng Pilipinas sa iba pang mga bansa ay may napakahalagang papel sa mga pag-unlad na nabanggit.
Aniya pa, ang pagkakatatag ng Relasyong Sino-Filipino, 40 taon na ang nakakaraan ay nagpalakas sa pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina na nagsimula, daang taon na ang nakalipas.
At upang ipagdiwang ang napakahalagang panahong ito, maraming aktibidad ang idaraos ng Embahada ng Pilipinas; tulad ng food festival, kultural na pagtatanghal, film festival at aktibidad na pampalakasan.
Ang mga ito, anang embahador ay paraan ng Pilipinas upang pahalagahan at parangalan ang bigkis ng pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.
Sinabi pa ni Basilio na patuloy siyang magpupunyagi upang pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa sa larangan ng pulitika, ekonomiya, lipunan, kultura at ibat-ibang multi-lateral at rehiyonal na pagtitipon.
Pinasalamatan din niya ang China People's Association for Friendship with Foreign Countries (CPAFFC) sa kanilang walang-tigil na pagpupuyangi upang palakasin at pabutihin ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas.
Lin Yi (Vice President ng CPAFFC)
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Lin Yi, Pangalawang Pangulo ng CPAFFC, na bilang magkapitbansa sa kabilang ibayo ng dagat, ang mahigit sanlibong taong tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina't Pilipinas ay tulad ng mamahaling hiyas.
Ang pagkakatatag aniya ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa nitong 40 taong nakalipas ay nakalikha ng bagong kabanata sa ugnayang Sino-Pilipino, at ito ay kinakitaan ng lumalagong pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan.
Ilang halimbawa aniya ay ang pagkakatatag, noong 1996 ng kooperatibong relasyong pangkapitbansa ng pagtitiwalaan, na nakatuon sa ika-21 siglo; at pagkakatatag noong 2005 ng estratehikong relasyong pangkooperasyon na nagtatampok sa kapayapaan at kaunlaran.
Kaugnay ng kasalukuyang isyu sa relasyong Sino-Pilipino, ipinahayag ni Gng. Lin na sa sidelines ng di-pormal na pulong ng mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na ginanap sa Beijing noong 2014, sinang-ayunan nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Benigno Aquino III na lutasin ang mga isyu sa paraang konstruktibo para mapabuti at mapasulong ang bilateral na relasyon.
Ipinagdiinan ni Lin na kung makokontrol at mahahawakan ng dalawang panig ang mga pagkakaiba, malusog na susulong ang relasyong Sino-Pilipino.
Makakabuti aniya ito sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa at makakabuti rin ito sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon.
Sa kabilang dako, sinabi ni Lin, sa magkasamang pagpapasulong ng CPAFFC at counterpart nito ng Pilipinas, 30 pares ng "Friendship Cities at Probinsya" ang naitatag sa pagitan ng Tsina't Pilipinas.
Ito aniya ay isa sa mga pinakamalaking bilang sa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Dagdag pa niya, ang pagpapalitang ito ng mga lokal na pamahalaan ng magkabilang panig ay nagbibigay ng bagong buhay sa pag-unlad ng Relasyong Sino-Filipino.
Ipinagdiinan ni Lin, na kasabay ng multi-polarisasyon ng mundo, globalisasyon ng ekonomiya, at dibersidad sa kultura, seryoso ang Partido Komunista ng Tsina (CPC) na itatag ang maayos na pakikipamuhayan sa mga karatig-bansa.
"Kami ay umaasa na magkakaisa ang ating mga kaibigan sa lahat ng sekor ng Tsina't Pilipinas, upang samantalahin ang pagkakataon sa tamang direksyon, palakasin ang pagsa-sama-sama, at gumawa ng mahahalagang kontribusyon para sa ikauunlad ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at harmonya at pag-unlad ng buong mundo," aniya pa.
Si Embahador Erlinda F. Basilio (pangatlo mula sa kanan) kasama ang buong coverage team ng Serbisyo Filipino
Ang pagtitipon ay nasa magkasamang pagtataguyod ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina at CPAFFC. Dumalo rito ang humigit-kumulang 350 panauhin mula sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan ng Tsina, diplomatic corps, media, at mga kilalang personahe sa bansa.
Mga Pilipinong performer
Mga inihaing prutas mula sa Pilipinas
Reporter: Rhio Zablan
Photographer: Andrea Wu
/wakas//
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |