|
||||||||
|
||
Natapos kamakailan ni Fan Changlong, Tagapangulo ng Sentral na Komsiyong Militar ng Tsina, ang kanyang biyahe sa Amerika.
Sa naturang pagdalaw mula ika-8 hanggang ika-12 ng buwang ito, nakipag-usap si Fan sa mga opisyal Amerikano na kinabibilangan nina Ashton Carter, Kalihim ng Tanggulang-bansa; Susan Rice, Tagapayo sa Pambansang Seguridad; Antony Blinken, Pangalawang Kalihim ng Estado; at iba pa. Tumayo rin siyang saksi sa paglagda sa Balangkas na Dokumento hinggil sa Mekanismo ng Pagpapalitan, Pagtutulungan at Diyalogo ng mga Hukbong Panlupa ng Tsina't Amerika.
Sinabi ni Fan na magsasagawa ng dalaw-pang-estado sa Amerika si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa darating na Setyembre. Ipinahayag niyang bilang pangunahing aktibidad sa pagitan ng Tsina at Amerika sa taong ito, magsisikap ang Tsina, kasama ang Amerika para maigarantiya ang pagiging mabunga ng gagawing pagdalaw ni Pangulong Xi.
Idinagdag pa niyang ang kanyang biyahe ay naglalayong ipatupad ang mga komong palagay na narating ng mga puno ng estado ng dalawang bansa para mapasulong ang matatag na pag-unlad ng ugnayang militar ng dalawang bansa. Iminungkahi ni Fan na itatag ng Tsina at Amerika ang bagong uri ng ugnayang militar na nagtatampok sa pagtitiwalaan, pagtutulungan, pag-aalis ng alitan, at pagiging sustenable.
Sinabi naman ni Carter na malaki ang potensyal ng pag-unlad ng relasyong militar ng dalawang bansa at kailangang itatag ang sustenable at pragmatikong relasyong militar.
Ipinahayag naman ni Rice ang pananabik ng panig Amerikano sa gagawing pagdalaw ni Pangulong Xi. Umaasa rin aniya ang Amerika na matatapos ng dalawang bansa ang kanilang pagsasanggunian hinggil sa alituntuning panseguridad sakaling magkaroon ng encounter sa himpapawid ang mga bapor panagupa ng Tsina at Amerika.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, hinimok ni Fan ang panig Amerikano na huwag kumiling sa isyung ito at bawasan ang malapit na pagmamanman sa mga ari-arian ng Tsina sa South China Sea.
Ipinahayag naman ng panig Amerikano na walang kinikilingan ang Amerika sa alitang pansoberanya sa South China Sea, at umaasa silang malulutas ang isyung ito sa pamamagitan ng talastasan.
Nagpalitan din ang dalawang panig hinggil sa isyu ng Korean Peninsula, isyu ng Taiwan, isyu ng Hapon, at cyber security.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |