Ipinahayag kahapon ni Wang Min, Pangalawang Kinatawan ng Tsina sa United Nations (UN) ang kahandaan ng kanyang bansa para mapahigpit ang pakikipagtulungan sa ibang bansa laban sa mga pirata, batay sa prinsipyo ng pagiging kusang-loob, pantay na koordinasyon.
Ipinahayag ng kinatawang Tsino ang nasabing paninindigan sa Ika-18 Sesyong Plenaryo ng UN hinggil sa Isyu ng Pamimirata sa Somalia.
Sinabi pa ni Wang na kinakaharap pa rin ng paglalayag ang hamon sa karagatan malapit sa Somalia at Gulf of Aden.
Idinagdag pa ni Wang na sapul noong Disyembre, 2008, batay sa awtorisasyon ng UN, nagsimula nang magpadala ang Tsina ng mga bapor para mapangalagaan ang kaligtasan ng paglalayag sa nasabing karagatan. Sa prosesong ito, mahigpit na nakikipagtulungan ang Tsina sa Timog Korea, India, Hapon at ibang bansa para magbahaginan ng impormasyon at mapataas ang episyensiya ng pagkokomboy.
Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy na makipagtulungan sa komunidad ng daigdig para mapasulong ang prosesong pangkapayapaan ng Somalia at pinal na malutas ang isyu ng pamimirata sa rehiyon. Salin: Jade