Sa Ufa, kalunsuran sa gawing katimugan ng Rusya, nag-usap dito kahapon sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya. Binigyang-diin ni Pangulong Xi na magsisikap ang Tsina at Rusya para maging plataporma ang Shanghai Cooperation Organization (SCO) sa pagsasakatuparan ng konektibidad sa pagitan ng Silk Road Economic Belt at Unyong Pangkabuhayan ng Europa at Asya. Umaasa aniya siyang ibayo pang palalawakin ang pragmatikong pagtutulungan ng Tsina at Rusya para pasulungin ang kaunlaran, kooperasyon at kasaganaan ng Europa at Asya.
Ipinahayag naman ni Putin na malawakang umuunlad ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Rusya. Sinabi ng Pangulong Ruso na aktibong sumasali ang Rusya sa pagbuo ng Asian Infrastructure and Investment Bank (AIIB), na itinaguyod ng Tsina. Dagdag pa niya, ang konektibidad ng Silk Road Economic Belt at Unyong Pangkabuhayan ng Europa at Asya ay magpapasulong sa pagtutulungang pangkabuhayan ng dalawang panig.
Bukod dito, nananatiling mainam ang kooperasyon ng Tsina at Rusya sa mga suliraning pandaigdig. Noong katatapos na Mayo, dumalo si Pangulong Xi Jinping sa seremonyang idinaos ng Rusya sa Moscow bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng tagumpay ng digmaang pagtatanggol sa inang bayan. Ito ay nagpapakita ng komong mithiin ng Tsina at Rusya sa pangangalaga sa matagumpay na resulta ng World War II at makatarungang kaayusang pandaigdig.