NANINIWALA si House Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. na mahahalagang batas ang naipasa ng Mababang Kapulungan sa ilalim ng Aquino Administration. SA kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon kaninang umaga, sinabi ni Speaker Belmonte na kasama sa mga naipasa ang maayos at tamang kabayaran sa mga biktima ng batas militar ni Ferdinand Edralin Marcos, ang Kasambahay Law at maging ang kontrobersyal na Reproductive Health bill.
Kapani-paniwala umano ang Pamahalaang Aquino at ang Kongreso sapagkat napigilan nila ang pag-abuso ng mga government-owned and controlled corporation na naging gatasan ng mga nakalipas na tao at panahon.
Umaasa rin si Speaker Belmonte na maipapasa ang Bangsamoro Basic Law na itinatguyod ng Aquino Administration. Sa nalalabing panahon ng Aquino Administration, umaasa rin siya na maipapasa ang 2016 national budget, ang pagbuo ng Department of Information and Communications Technology, pagpapalakas ng Build-Operate-Transfer Law, pagpapa-unlad ng PAGASA, Freedom of Information Act, Tax Incentives Management and Transparency Act, Customs Modernization and Tariff Act, National Identification System at iba pang mahahalagang batas.