Ngayong taon ay ang ika-70 anibersaryo ng tagumpay ng Anti-Japanese War ng Tsina at Anti-Fascist War ng buong daigdig.
Mula ika-11 ng buwang ito hanggang ika-10 ng susunod na buwan, isinasapubliko ng State Archives Administration ng Tsina (SAA) ang 31 kuwento na "Written Confession ng mga Japanese War Criminals sa Pananalakay sa Tsina" para ibunyag ang mga krimen ng hukbong Hapon sa pananalakay sa Tsina, at manawagan sa mga tao na tutulan ang digmaan at mahalin ang kapayapaan.
Ang naturang mga kuwento ng 31 Japanese War Criminals ay kauna-unahang isinasapubliko sa Tsina. Ayon sa ulat, ang nilalaman ng mga written confession ay kinabibilangan ng mga detalye ng mga krimen ng hukbong Hapones sa Tsina na gaya ng pamamaslang sa mga mamamayang Tsino, paglunsad ng biological warfare, paggamit ng sandatang kemikal, pag-aalipin ng mga Tsino, panggagahasa sa mga babae, paggamit ng "comfort women," pagdadambong sa ari-arian ng mga Tsino at pagkasira sa mga lunsod at nayon. Bukod dito, ang naturang mga written confession ay isasalin sa wikang Ingles.
Sinabi ni Jiang Lifeng, mananaliksik mula sa Chinese Academy of Social Sciences (CASS), na sa pamamagitan ng naturang mga written confession, madaling nakikita ng mga tao ang mga detalye ng mga ginawang krimen ng hukbong Hapones sa Tsina noong panahon ng World War II (WWII). Ito aniya ay malakas na ganting-suntok sa mga sinabi ng makakanang ekstrimistang Hapones na pinabulaan ang kasaysayan ng pananalakay ng Hapon sa ibang mga karatig na bansang Asyano noong panahong iyon.
Ang unang kuwento ng naturang mga written confession na inilabas noong ika-11 ng buwang ito ay mula kay Kenzo Sugishita. Inamin niya ang mga ginawang krimen sa Tsina na gaya ng pagbaril sa mga karaniwang mamamayang Tsino, panggagahasa sa mga babae, at paglunsad ng biological warfare.