|
||||||||
|
||
HAHARAP sa isang pagsisiyasat ang mga Lumad na nakasaksi sa pagpaslang sa Sitio Han-ayan, Lianga na gagawin sa Huwebes at Biyernes, una at ikalawang araw ng Oktubre sa pagdinig ng komite ni Senador Teofisto "TG" Guingona III sa Tandag City.
Magugunitang sina Emerito Samarca, Executive Director ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (ALCADEV), Dionel Campos, pinuno ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU) at Datu Bello Sinzo ay pinaslang ng mga armadong kalalakihan kamakailan.
Ayon sa pahayag ng tanggapan ni Senador Guingona, may 3,000 Lumad na nagsilikas mula sa limang bayan at nagtungo sa Tandag City sa pangambang sisidhi pa ang kaguluhang kagagawan umano ng Magahat-Bagani paramilitary unit. Wala nang mga naninirahan sa mga barangay na pinagmulan ng mga katutubo.
Unang nanawagan si Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel na magsagawa ng pagsisiyasat sa mga nagaganap sa kanyang nasasakupan ang Senate Committees on Justice and Human Rights at Sub-committee on Cultural Communities sa mga naganap na pagpaslang.
Hiniling din ng gobernador na gawin ang pagsisiyasat sa kanyang lalawigan upang makalahok ang mga saksi.
Lalahok sa pagdinig si Senador Aquilino Pimentel III, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, mga pamilya ng mga biktima, human rights groups, military at justice officials.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |