Sa New York—Ipinahayag dito kamakalawa ng gabi ni Cui Tiankai, Embahador ng Tsina sa Estados Unidos, na tinututulan ng Tsina ang anumang aksyon ng sinuman na posibleng magpaigting sa kalagayan sa South China Sea (SCS).
Dumalo at nagtalumpati kamakalawa ng gabi si Cui sa bangkete bilang pagdiriwang sa ika-49 na anibersaryo ng pagkakatatag ng National Committee on United States-China Relations.
Sa nasabing bangkete, tinanong ng mamamahayag na ayon sa ulat ng dayuhang media, sinabi ng isang opisyal ng Kagawaran ng Tanggulan ng Amerika na binabalak ng hukbong pandagat ng kanyang bansa, na magpadala ng mga barko sa rehiyong pandagat na may layong 12 nautical miles sa mga pulo at batuhan ng SCS kung saan nagsasagawa ng konstruksyon ang Tsina, at ito ay gagawin sa loob ng 2 linggo.
Ani Cui, hanggang sa kasalukuyan, maliban sa ulat ng media, walang anumang opisyal na pahayag ang Amerika hinggil dito. Ipinagdiinan niyang sa isyu ng seguridad na pandagat, dapat magkasamang pangalagaan ng Tsina at Amerika ang kalagayaan ng paglalayag.
Sa kanyang artikulo hinggil sa kooperasyong Sino-Amerikano na inilathala sa magasing "National Interest" noong nagdaang Agosto, tinukoy ni Cui na kahit sa mga isyung may alitan ang kapuwa panig, makakatulong sa pagresolba sa problema ang kooperasyon at diyalogo.
Salin: Vera