Sa Antalya, Turkey—Nakipagtagpo dito kahapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang Indonesian counterpart na si Joko Widodo.
Tinukoy ni Xi na ang kasalukuyang taon ay ika-65 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Indonesia. Aniya, may bagong positibong bunga ang pag-uugnayan ng estratehiyang pangkaunlaran, at pagpapalalim ng pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa. Ikinasisiya ito ng panig Tsino, dagdag ni Xi. Sinabi niyang nakahanda ang Tsina na patuloy na pataasin ang lebel ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa Indonesia, palakasin ang kooperasyon sa mga mahalagang proyekto sa larangang gaya ng imprastruktura, at palawakin ang saklaw ng bilateral currency swap.
Sinabi naman ni Widodo na lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang komprehensibo't estratehikong partnership sa Tsina, at nagpasalamat siya sa ibinigay na pagkatig at pagtulong ng panig Tsino. Nakahanda aniya ang Indonesia na magsikap, kasama ng panig Tsino, para mapasulong ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa mga larangang gaya ng daambakal at enerhiya. Kakatigan ng Indonesia ang pagtataguyod ng Tsina ng G20 Summit sa susunod na taon, dagdag pa niya.
Salin: Vera