|
||||||||
|
||
Nilagom noong Huwebes ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang katatapos na pagdalo ni Pangulong Xi Jinping sa Ika-10 G20 Summit sa Antalya, Turkey at Ika-23 Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Maynila, Pilipinas.
Sinabi ni Wang na sa background na kinakaharap ng pandaigdig na pulitika at kabuhayan ang bagong hamon, bagong pagsasaayos, at bagong pag-unlad, dumalo ang pangulong Tsino sa naturang dalawang pulong, at naisakatuparan ang mga target ng panig Tsino na magkaroon ng komong palagay, magpalakas ng kompiyansa, at magtaguyod sa komong kaunlaran.
G20 Summit, pagharap ng planong Tsino para sa kabuhayang pandaigdig
Group picture ng mga kalahok sa G20 Summit
Ayon kay Wang, bilang tugon sa kasalukuyang masalimuot na kalagayang kulang sa pampasigla sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, iniharap ni Pangulong Xi, sa G20 Summit, ang mga mungkahi gaya ng pagpapalakas ng pag-uugnayan at pagkokoordinahan hinggil sa patakaran ng makro-ekonomiya, pagpapalalim sa reporma at inobasyon, pagpapasulong sa pagbubukas ng kabuhayang pandaigdig, pagpapatupad ng UN 2030 Agenda for Sustainable Development, at iba pa. Ani Wang, ang mga mungkahing ito ay tinatanggap ng iba't ibang panig at ipinakikita sa komunike ng kasalukuyang summit.
Sa summit na ito, ipinatalastas din ni Pangulong Xi ang pagdaraos sa Hangzhou, Tsina ng susunod na G20 Summit. Kaugnay nito, sinabi ni Wang na ang tema ng Hangzhou Summit ay "building an innovative, invigorated, interconnected and inclusive world economy." Aniya, sa pamamagitan ng pagdaraos ng summit na ito, gusto ng Tsina na, magbigay ng bagong ambag sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, paglutas ng mga malalimang isyu sa kabuhayan, at pagbuo ng mekanismo ng pangmatagalang pamamahala ng G20.
APEC Summit, pagpapatingkad ng papel ng Tsina sa kooperasyong Asya-Pasipiko
Group picture ng mga kalahok sa APEC Summit
Sa APEC CEO Summit sa Maynila, tinukoy ni Pangulong Xi na ang Asya-Pasipiko ay nananatiling pangunahing lakas-tagapagpasulong sa kabuhayang pandaigdig, kaya dapat dumaan ang rehiyong ito sa tamang direksyon na gawing nukleo ang pag-unlad, lumikha ng mapayapang kapaligirang makakabuti sa pag-unlad, at alisin ang anumang hadlang sa pag-unlad. Iniharap din ni Xi ang mga konkretong mungkahi hinggil sa pangmalayuang kooperasyon, rehiyonal na integrasyon, at iba pa.
Sinabi ni Wang na sa aspekto ng rehiyonal na kooperasyon ng Asya-Pasipiko, maraming konkretong gawain ang pinasusulong ng Tsina na gaya ng malayang sonang pangkalakalan ng Asya-Pasipiko, regional connectivity, Asian Infrastructure Investment Bank, "Belt and Road" Initiative, pag-uupgrade ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN, at iba pa. Ani Wang, batay sa ideya ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan na iniharap ni Pangulong Xi, patuloy na pasusulungin ng Tsina ang mga gawaing ito, para makapag-ambag sa rehiyonal na kooperasyon.
Pagbibigay ng kompiyansa ng Tsina sa kabuhayang pandaigdig
Sinabi ni Wang na kasunod ng paglakas ng epekto ng kabuhayang Tsino sa kabuhayang pandaigdig, binibigyan ng iba't ibang panig ng mas malaking pansin ang patakarang pangkabuhayan ng Tsina. Ani Wang, sa nabanggit na dalawang okasyon, inilahad din ni Pangulong Xi ang kasalukuyang kalagayan at tunguhin sa hinaharap ng kabuhayang Tsino. Ito aniya ay makakabuti sa pagpapalakas ng pag-unawa at pagtiwala ng komunidad ng daigdig sa kabuhayang Tsino.
Bilang panapos, sinabi ni Wang na sa ilalim ng globalisasyon, humihigpit ang pag-uugnayan ng Tsina at daigdig, at dumarami ang kanilang komong interes. Aniya, habang isinasakatuparan ang sariling pag-unlad, nakahanda ang Tsina na magbigay ng mas malaking ambag para sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |