|
||||||||
|
||
ISANG kasunduan ang nalagdaan ng De La Salle University sa School of International Relations and Public Affiars ng Fudan University, School of International and Public Affairs ng Shanghai Jiao Tong University, Center for International Arts and Humanities at School of Natural Sciences and Humanities ng Harbin Institute of Technology sa Shenzhen.
Ang tatlong pamantasang ito ang kabilang sa C9 League, isang alyansa ng siyam na nangungunang mga pamantasan sa Tsina na maihahambing sa Ivy League ng Estados Unidos.
Ito ang nabatid kay Dr. Julio Teehankee, dekano ng College of Arts and Sciences ng De La Salle University. Layunin ng mga kasunduan ang pagsusulong ng student at faculty exchanges, language at cultural studies at pagsasama-sama sa pananaliksik at pagpupulong sa tatlong pamantasan.
Ipinaliwanag ni Dr. Teehankee na interesado ang Fudan University na magkaroon ng pagpapalitan ng mga mag-aaral at mga propesor at magkaroon ng research cooperation.
Sa panig ng Jiao Tong University ng Shanghai, layunin nilang magkaroon ng double-degree master's at doctoral programs sa DLSU.
Nakipagkasundo naman ang Harbin Institute of Technology sa Shenzhen na magkaroon ng joint certificate program sa International Business at Cultural Studies.
Ipinaliwanag ni Dr. Teehankee na ang De La Salle University ang unang pamantasan sa timog silangang Asia na nakipagkasundo sa Fudan, Shanghai Jiao Tong at Harbin Institute of Technology kasama na ang Shenzhen Graduate School. Mahalaga ang kasunduang ito upang mapalakas ang pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas.
Kasama niya sa delegasyon sina Dr. Wilfrido Villacorta, professor emeritus, dating deputy secretary general ng ASEAN at dating ambassador sa ASEAN, Dr. Eric Batalla, chair ng Political Science Department at Robin Michael Garcia, College of Liberal Arts faculty member na nagtatapos ng kanyang PhD studies sa Fudan University. Inanyayahan ng De La Salle University ang mga pinuno ng tatlong pamantasan sa Tsina na dumalaw din sa Pilipinas sa madaling panahon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |