Walang humpay na binatikos kamakailan ng panig Amerikano ang paged-deploy ng missiles ng Tsina sa Yongxing Island, South China Sea (SCS). Bilang tugon, ipinahayag kahapon sa regular na preskon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang paged-deploy ng Tsina ng kinakailangang kasangkapang pandepensa sa sariling teritoryo ay walang pagkakaiba sa pagde-deploy ng Amerika ng kasangkapang pandepensa sa Hawaii.
Tinukoy ni Hua na nitong nakalipas na maraming taon, madalas na isinasagawa ng Amerika ang close-in surveillance sa SCS, at nadaragdagan bawat taon. Ito, aniya, ay nagpapasidhi sa tensyon ng rehiyon, at nagsisilbing pangunahing dahilan ng "militarisasyon" ng SCS. Nanawagan si Hua sa panig Amerikano na gumanap ng konstruktibong papel sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Salin: Andrea