Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mayor Duterte, suportado ng mga karaniwang tao

(GMT+08:00) 2016-05-06 20:02:51       CRI

DALAWANG KANDIDATO SA PANGULUHAN NANINIWALA SA BILATERAL TALKS SA TSINA. Naniniwala si Dr. Julio C. Teehankee, Dean ng College of Liberal Arts ng De La Salle University na handa sina Vice President Jejomar C. Binay at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na payabungin ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa pamamagitan ng bilateral talks. (Melo M. Acuna)

NANINIWALA si Dr. Julio C. Teehankee, dekano ng College of Liberal Arts ng De la Salle University na nangunguna sa mga survey si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay dahil sa suporta ng bagong middle class, ng mga manggagawa na sumasakay sa Metro Rail Transit, Light Rail Transit, nabibiktima ng traffic sa mga lansangan at sa himpapawid, mga naging biktima ng laglag-bala sa paliparan at mga kawani ng business process outsourcing na nabiktima ng krimen.

Sa isang panayam sa kanyang tanggapan, sinabi ni Dr. Teehankee na isang full professor ng political science at international studies, na patuloy na lumalakas ang suporta ng mga botante kay Mayor Duterte sapagkat may 80% hanggang 90% ng mga nagdesisyong bumoto sa alkalde ang 'di na magbabago ng kandidato sa darating na halalan sa Lunes.

Ito ang nabatid sa survey na ginawa ng LAYLO samantalang sa Pulse Asia survey, lumalabas na pangalawa si Senador Grace Poe bagama't hindi rin mababale-wala si dating Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas na siyang pambato ng administrasyong Aquino.

May dalawang pagpipiliian, ang pagkakataong magwagi o winnability at popularity na matatagpuan kay Senador Poe at makinarya na taglay ni Secretary Roxas.

Ang nagaganap ngayon, ilang araw bago sumapit ang halalan sa Lunes ay isang pagpoprotesta ng mga karaniwang tao na napag-iwanan ng pamahalaan. Ani Dr. Teehankee, kung ang mahihirap ay mayroong conditional cash transfer samantalang ang mayayaman ay mayroong public-private partnership, ang mga karaniwang tao, ang tinaguriang new middle class na binubuo ng mga nabibiktima ng matinding traffic, laglag-bala sa airport, pagkabalam ng paglalakbay sa himpapawid ang hindi nakikinabang sa anumang biyaya ng pamahalaan.

"Sila ang napiperwisyo sa paglipas ng mga araw," dagdag pa ni Dr. Teehankee.

Makikita ang mga anino ng mga nakalipas na halalan tulad ng naganap noong 1992 nagkaroon ng apat na mga kandidato tulad nina Secretary Fidel V. Ramos, Gng. Miriam Defensor-Santiago, Speaker Ramon V. Mitra at Ambassador Eduardo Cojuangco. Sa naganap na halalan noong 1998, sa unang araw pa lamang ng Mayo ay batid nang magwawagi si Vice President Joseph Estrada laban kay Speaker Jose de Venecia. Lahat na halos ng isyu ang ibinato kay Vice President Estrada subalit hindi na ito tumalab sa pag-aaklas ng masa, sa galit sa tradisyunal na mga politiko.

Noong 2010, ang halalan ay inaasahang magiging mainit sa pagitan nina Senador Manuel Villar at Senador Mar Roxas hanggang sa namayapa si dating Pangulong Corazon Aquino kaya't nagwagi si Senador Benigno Simeon C. Aquino III.

Idinagdag pa ni Dr. Teehankee na huli na ang mga expose laban kay Mayor Duterte sapagkat hindi man lamang ito nailabas sa mga nakalipas na debate ng mga kandidato. Kung sinimulan na ang demolition kay Mayor Duterte noon pa lamang na lumalabas ang kanyang pangalan, baka naniwala pa ang mga botante.

Kung naipaliwanag ni Vice President Binay ang kanyang posisyon sa harap ng Senado at maging sa mga nakalipas na debate, malamang ay hindi nabawasan ang kanyang popularidad. Ito ang dahilan kaya't nanguna si Senador Grace Poe sa surveys.

Hindi nagtagal, lumabas ang isyu sa kanyang citizenship. Dalawang dahilan ang nakita ni Dr. Teehankee sa pagbubunyag ng isyu laban kay Senador Poe. Una ay magdesisyon ang Korte Suprema na huwag payagang makatakbo sa halalan at pagdudahan ang kanyang pagkatao ng mga botante.

Ito rin ang naging dahilan kaya't umangat si Mayor Duterte.

Ipinaliwanag ni Dr. Teehankee na pawang mga kwento ang nagmula sa mga kandidato sapagkat wala namang pinagkaiba ang mga plataporma. Nahahati sa dalawang uri ang pagpapakilala ng mga kandidato tulad ng pagkakaroon ng reformist narrative, na magkakaroon ng garantisadong pagbabago sa loob ng pamahalaan sa paghahalal ng mga taong may moralidad. Ito umano ang karaniwang sinasabi ng mga elitista na walang pagpapahalaga sa mahihirap.

Sa kabilang dako, mayroong pro-poor narrative na ginagamit ng mga kandidatong sumasabay sa karanasan ng mahihirap, tulad ng paggamit ng mga katagang Nognog. Hindi isyu ang katiwalian sapagkat maihahalintulad ito kay Robin Hood, at ang katiwalian ay isang uri ng income redistribution.

Nagbahagi rin ng kanyang pananaw si Dr. Teehankee sa posibilidad na mahalal na pangalawang pangulo si Senador Ferdinand Romualdez Marcos. Mag-iiba ang tingin ng daigdig sa Pilipinas at mga Filipino sapagkat nakakabalik ang isang Marcos matapos ang 30 taon ng pagdiriwang ng EdSA People Power Revolution. Hindi umano naipon at napangalagaan ang mga nakamtang biyaya ng EDSA noong 1986.

Kung noong 1995 ay hindi nagwagi sa kanyang pagkandidato si "Bongbong" Marcos, ito ay dahilan sa mga sariwang sugat na idinulot ng batas militar mula noong 1972 hanggang sa pag-aalis nito noong 1981 at pagpapatalsik sa mga Marcos noong 1986.

Sa apat na kandidato, dalawa ang maingat sa kanilang pananaw sa isyu ng South China Sea. Ang mga ito, ayon kay Dr. Teehankee ay sina Secretary Mar Roxas at Senador Grace Poe.

Naniniwala naman sina Vice President Jejomar C. Binay at Mayor Rodrigo Duterte na mas makatutulong ang bilateral talks o direktang pakikipag-usap sa Tsina sa mga isyung nararapat malutas.

Ang sinumang magwawagi ay may responsiblidad na mapag-isa na naman ang magkakahiwalay na bahagi ng bansa sapagkat ito na ang pinakamainit na halalan sa nakalipas na ilang dekada, dagdag pa ni Dr. Teehankee.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>