Ipinahayag kahapon, Lunes, ika-9 ng Mayo 2016, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina, ni Wei Ran, mataas na opisyal ng pamahalaan ng rehiyong awtonomong ito, na sa pamamagitan ng pag-unlad nitong 9 na taong nakalipas, ang kooperasyong pangkabuhayan ng Pan-Beibu Bay, na sumasaklaw sa Tsina, Biyetnam, Malaysia, Singapore, Indonesya, Pilipinas, at Brunei, ay naging isang mahalagang subrehiyonal na kooperasyon, sa ilalim ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Ayon kay Wei, sapul nang itatag noong 2006 ang kooperasyong pangkabuhayan ng Pan-Beibu Bay, isinagawa ng mga may kinalamang bansa ang mga proyektong pangkooperasyon sa connectivity, lohistika sa puwerto, kabuhayan, kalakalan, industriya, pananalapi, dagat, pangangalaga sa kapaligiran, turismo, kultura, at iba pa, at narating din ang mga kasunduang pangkooperasyon sa puwerto, pananalapi, turismo, at iba pa. Aniya, unti-unting natatamo ng iba't ibang bansa ang benepisyo mula sa mga kooperasyong ito.
Dagdag pa ni Wei, sa susunod, itatatag ang mga plataporma at mekanismong pangkooperasyon, na gaya ng magkakasanib na grupo ng mga eksperto sa kooperasyon ng Pan-Beibu Bay, summit ng mga think tank ng Pan-Beibu Bay, cooperative network sa kooperasyon ng mga port city ng Tsina at ASEAN, para ibayo pang pasulungin ang kooperasyon ng Pan-Beibu Bay.
Salin: Liu Kai