Bilang tugon sa sinabi ng opisyal na Amerikano na "mahalaga ang malayang nabigasyon para sa mga maliit na bansa," tinukoy ngayong araw, Miyerkules, ika-11 ng Mayo 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang malayang nabigasyong komersyal alinsunod sa pandaigdig na batas ay inaasahang igagarantiya ng mga bansa, maliit man o malaki, at ito ay walang problema sa South China Sea. Pero aniya, ang malayang nabigasyon ng mga bapor pandigma ay lumalabag sa pandaigdig na batas, at hindi dapat ito suportahan ng anumang bansa.
Sinabi rin ni Lu na batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang bapor komersyal ay iba sa bapor pandigma, pagdating sa malayang nabigasyon. Dagdag ni Lu, batay sa UNCLOS, puwedeng dumaan ang bapor ng isang bansa sa territorial waters ng ibang bansa nang hindi magdulot ng pinsala. Pero aniya, hindi kalakip sa regulasyong ito ang bapor pandigma.
Salin: Liu Kai