|
||||||||
|
||
NANINIWALA ang ilang security experts na nasa balikat ni incoming President Rodrigo Duterte ang kinabukasan ng bansa kung ibabasura niya ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.
Mawawalan umano ng pambato o leverage ang Pilipinas sa mga isyung bumabalot sa South China Sea ayon kay De La Salle University Professor Renato De Castro na trustee ng Albert Del Rosario Institute for Strategic and International Studies sa isang pagtitipon kanina sa Kampo Aguinaldo.
Malaki ang posibilidad na ibasura niya ito sapagkat isang executive agreement lamang ang nilagdaang kasunduan nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg noong Abril 2014.
Nangangamba si Prof. De Castro na maka-aapekto ang pagbabasura sa kasunduan sa modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mawawalan ng baon sa pakikipag-usap sa Tsina.
Idinagdag pa ng propesor na magagamit umano ni Pangulong Duterte ang EDCA sa pakikipag-usap sa maunlad na bansa.
Hiniling na ng National Democratic Front na ibasura ni Pangulong Duterte ang EDCA at ang Visiting Forces Agreement kung makikipag-usap sa pamahalaan.
Magsisimulang muli ang peace negotiations sa mga makakaliwang grupo sa oras na maluklok sa puwesto si G. Duterte.
Nabanggit din ni Undersecretary for Defense Policy Pio Lorenzo Batino na mananatiling mahalaga ang mga usaping may kinalaman sa karagatan tulad ng exclusive economic zone at maging ang Scarborough Shoal para sa papasok na pamahalaan.
Umaasa si G. Batino na kilalanin ang mga ginawang hakbang ng mga nakalipas na pamahalaan. Nabanggit na ni G. Duterte na magkakaroon ng pakikipag-usap sa Tsina sa oras na walang patunguhan ang kasalukuyang ginagawa ng pamahalaan. Nagreklamo ang Pilipinas laban sa Tsina sa Permanent Court of Arbitration sa Netherlands.
Maglalabas na umano ng desisyon ang tribuna ngayong Hunyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |