Miyerkules ng umaga, ika-8 ng Hunyo, 2016, inilabas ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pahayag hinggil sa paggigiit sa paglutas sa alitan ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea (SCS), sa pamamagitan ng bilateral na talastasan. Nang araw ring iyon, muling hinimok ni Hong Lei, Tagapagsalita ng nasabing ministri, ang Pilipinas na agarang itigil ang maling aksyon ng pagpapasulong sa proseso ng arbitrasyon.
Ani Hong, ang unilateral na pagsumite ng Pilipinas ng arbitrasyon ay labag sa komong palagay na narating at maraming beses na kinumpirma ng dalawang bansa hinggil sa pagresolba sa mga may kinalamang alitan sa pamamagitan ng bilateral na talastasan. Labag din ito sa pangakong ginawa ng Pilipinas sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DoC). Ito aniya ay pagmamalabis sa mekanismo ng paglutas sa alitan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at hindi angkop sa mga pandaigdigang batas na kinabibilangan ng UNCLOS.
Dagdag pa ni Hong na sa mula't mula pa'y nananatiling bukas ang pinto ng bilateral na talastasan ng Tsina at Pilipinas. Patuloy na igigiit ng panig Tsino ang pagresolba sa mga may kinalamang alitan nila ng Pilipina sa naturang karagatan, batay sa paggalang sa katotohanang historikal at pandaigdigang batas.
Salin: Vera