|
||||||||
|
||
BAGONG PAG-AARAL NG WORLD BANK PHILIPPINES, INILUNSAD. Ipinaliliwanag ni Bb. Mara Warwick, country director ng World Bank sa Pilipinas ang pangangailangan ng mas matatag na hanapbuhay upang makaangat sa kahirapan ang mga manggagawa. Pinamagatan ang pag-aaral na "Labor Market: Employment and Poverty in the Philippines." (Melo M. Acuna)
MABABANG SAHOD NG MANGGAGAWA, NAG-UUGAT SA KAKULANGAN NG EDUKASYON AT KAKAYAHAN. Sinabi ni G. Jan Rutkowski, lead economist World Bank sa Pilipinas na magkakaroon ng mataas na sahod kung may sapat na edukasyon at kakayahan ang manggagawa. Kailangang gumastos ang pamahalaan sa skills training at edukasyon, dagdag pa ni G. Rotkowski. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA ang mga opisyal ng World Bank sa Pilipinas na kailangang gumastos ang pamahalaan sa pagbabahagi ng kakayahan at may katuturang edukasyon na sasabayan ng mas maluwag na kautusan sa paggawa upang magkaroon ng mas maraming may uring hanapbuhay at kasabay na social protection.
Sa kanyang pangunang pahayag, sinabi ni Mara Warwick, country director ng World Bank sa Pilipinas na sa pag-unlad ng ekonomiya sa nakalipas na sampung taon, nagkaroon ng sapat na hanapbuhay upang makuha ang lumalaking bilang ng mga manggagawa.
Ang pinakamalaking hamon, ayon kay Bb. Warwick ay kung paano maka-aangat sa kahirapan ang mga may trabaho. Na sa magandang kalagayan ang pamahalaan at bansa upng tugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa, industriya at kalakal.
Bahagi ang mga pahayag na ito sa paglulunsad ng kanilang ulat na pinamagatang "Labor Market Review: Employment and Poverty in the Philippines." Sa pag-aaral na ito, sinuri ng mga ekonomista ang nagaganap sa sektor ng paggawa mula sa pananaw ng mga manggagawa at kumilala sa mga balakid sa pagbabawas ng kahirapan sa bansa.
Karaniwang lumalago ang ekonomiya ng bansa sa 5.3% samantalang lumalago ang working population ng 1.8% samantalang ang trabaho sa bansa ay nadaragdagan ng 1.9%.
Sa pagsusuri, natampok na walang ipinagbago ang real wages ng mga manggagawa kung ihahambing sa mga kalapit bansa sa Asia. Dito kailangan ang pagbabago sapagkat tumataas ang presyo ng mga bilihin at mga karaniwang serbisyo tulad ng kuryente, telepono, tubig, arkila sa bahay atbp. Ito ang dahilan kaya't kahit may trabaho ang mga Filipino ay mahihirap pa rin sila.
Sa pananatili ng kahirapan sa bansa, dalawang bagay ang higit na tumingkad, ang kawalan ng magagandang trabaho at ang maliit na kita ng mahihirap na manggagawa. Ang sinasabing magagandang trabaho ay katatampukan ng matataas na sahod tulad ng nagaganap sa formal sector na mayroong social protection. Marami sa mga trabahong napasukan ng mga Filipino ay maliliit ang sahod, mapanganib at maituturing na informal.
Sa mababang sahod, ani Jan Rutkowski, lead economist ng World Bank sa Pilipinas, ay dahilan na rin sa kanilang kakulangan ng sapat na pag-aaral at kakahayan. Ang dahilang ito ang sagka sa kanilang pagkakaroon ng mas magandang trabaho na nagbibigay ng mas mataas na sahod.
Karaniwang napapasukang trabaho ang 'di gasinong nangangailangan ng kakayahan tulad ng mga obrero o manggagawa na pinakamalaking sektor, maliban sa mga magsasaka. Sa labas ng pagsasaka at maging sa lungsod, ang walang kakayahang manggagwa ang halos isa sa bawat apat ng may trabaho.
Idinagdag pa ni Rutkowski na may 44% ng mga manggagawa ang 'di nakapagtapos ng high school na mas mataas sa kanayunan sapagkat umaabot sa 57%. Mataas din sa urban areas sa pagkakaroon ng 30%. Kasama ang mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya, ang mga 'di nakatapos ng high school ay higit pa sa 60%.
Ang pagtatapos ng pag-aaral ng high school ang siyang nagpapa-unlad ng pagkakataong magkatrabaho. Subalit ang mga nakapag-aral ay napupwersang tumanggap ng trabaho na para sa walang kakayahan at kung minsan ay nagiging obrero. May 30% ng mga manggagawang tapos ng high school ang mayroong unskilled jobs at 35% ng mga manggagawa na nagtapos ng high school ang nagpapakita ng kakulangan ng magaganda at matatatag na hanapbuhay.
Iminungkahi ng World Bank Philippines na kailangang gumastos ang pamahalaan sa edukasyon at skills training para sa mahihirap na kabataan upang tumaas man lamang ang kanilang kita. Mahalaga ito sa kanayunan. Kailangang luwagan ang mga regulasyon sa paggawa upang magkaroon ng mas maraming manggagawa na nag-aalok ng mas mataas na sahod. Kailangan ding ayusin ang investment climate at babaaan ang halaga ng pagkakalakal sa formal sector upang magkaroon ng mas marami at mabuting hanapbuhay at mapanatili ang kaunlaran ng ekonomiya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |