|
||||||||
|
||
PUMANAW na kagabi si dating Senate President Ernesto Maceda dahilan sa multiple organ failure. Namayapa si G. Maceda sa edad na 81. Ayon sa mga ulat ng iba't ibang media outlets, pumanaw ang dating mambabatas dalawang minuto bago sumapit ang ika-siyam ng gabi sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City.
Ayon sa kanyang anak na si Edmond, nabuhay ang kanyang ama sa paglilingkod sa pamilya at sa mga mamamayan.
Nagsimula ang paglalamay sa labi kaninang ikatlo ng hapon sa Mount Carmel Shrine sa Quezon City. Ihahatid sa huling hantungan ang matandang Maceda sa darating na Sabado, ika-25 ng Hunyo. Humihiling ang pamilya ng mga panalangin para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa.
Nawalan ng malay ang dating senador dahilan sa pagdurugo matapos ang isang operasyon. Gumagaling na ang mambabatas noong Linggo.
Anang kanyang supling na si Edward, may malay ang kanyang ama bagama't hindi nakapagsasalita dahilan sa tubo sa kanyang bibig. Masaya umano ang kanyang ama sa matagumpay na operasyon.
Nagdugo ang kanyang sugat at naapektuhan ang kanyang puso at bato. Nilagyan siya ng pacemaker upang magpatuloy ang tibok ng kanyang puso.
Nawalan umano ng malay ang dating senador kahapon ng umaga. Pinagtangkaan ng mga manggagamot na paganahin ang kanyang puso subalit hindi na tumugon pa.
Sinabi ng kanyang dating chief-of-staff, si G. Jimmy Policarpio na deklaradong "clinically dead" na ang kanyang amo sapagkat nakakabit na lamang sa isang life support machine. Pagsapit ng ikatlo ng hapon, lumabo nang gumaling pa ang pasyente. Naghihintay na lamang ang magkakapatid sa kanilang panganay bago nila alisin ang koneksyon sa life-support machine.
Naglingkod siyang senador noong 1971 subalit natapos kaagad sa deklarasyon ng Batas Militar noong 1972. Nahalal na namang muli sa Senado noong 1987 hanggang 1992.
Maraming mga panukalang batas, pinakamaraming privilege speeches at nagkaroon ng perfect attendance sa Senado si G. Maceda.
Naglingkod din siya bilang Senate President noong 1996 hanggang 1998. Hinirang siya ni Pangulong Joseph Estrada bilang Philippine Ambassador to the United States mula 1999 hanggang 2001.
Nagpaabot na ng pakikiramay si Senate President Franklin M. Drilon sa mga naulila ng dating Senate President. Inatasan na rin ni G. Drilon ang kanyang mga tauhang ilagay ang bandila sa kalahatian ng flag pole bilang paggalang sa pumanaw na opisyal ng Senado.
Hinirang siya ni Pangulong Ferdinand Marcos bilang Presidential Assistant for Community Development ilang taon bago nadeklara ang Martial Law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |