|
||||||||
|
||
Bihira ang pagkakataong mapanood ang pagtatanghal ng isang acclaimed world-class concert pianist na Pilipino sa Tsina. Kaya naman hindi ito pinalagpas ng Filipino Community sa Xiamen, kasama ang mga kaibigang Tsino, kanilang pinanood sa Kempinski Hotel ang konsiyerto ni Dr. Raul Sunico.
Si Dr. Sunico habang nagtatanghal
Si Dr. Sunico ay inanyayahan ng Konsulado ng Pilipinas na dumalo at magtanghal sa pagdiriwang ng Ika-118 Anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas. Galing pa siya ng Europa para sa kanyang world tour.
Musical Feast ng Western, Filipino at Chinese classics
Sa panayam ng China Radio International Serbisyo Filipino, sinabi ni Dr. Sunico na siya ay nagagalak sa kauna-unahan niyang pagdalaw sa Xiamen. Tinugtog niya ang mga classical pieces at hinaluan din ito ang ilang Filipino at Chinese songs. Isang estudyanteng Tsino aniya ang nagbigay ng mungkahing kanyang pag-aralan ang piyesang Colorful Clouds Chasing the Moon na likha ni Wang Jianzhong para masiyahan ang mga Tsinong bisita sa pagtatanghal. Samantala naantig naman ang damdamin ng mga Pinoy audience nang madinig ang kanyang bersyon ng Bato sa Buhangin ni Ernani Cuenco at ang Bayan Ko ni Jose Alejandrino.
Si Dr. Sunico habang kinakapanayam ni Mac Ramos, mamamahayag ng CRI Filipino Service
Si Dr. Sunico habang pinipirmahan ang CD para sa CRI
Reaksyon ng mga manonood
Bilang manonood, sinabi ni Wang Tianming, Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office na tulad ng pagpapakilala ni Consul General Julius Caesar Flores, bilang kilalang alagad ng sining ng Pilipinas, si Dr. Surico ay naghandog ng kahanga-hangang piyesta ng musika. Inilarawan ni G. Wang ang palabas ni Dr. Sunico bilang magic gamit ang sampung daliri at mahigit isang oras na malalimang nadala niya ang musika. Lalo aniya niyang kinagiliwan ang Rhapsody in Blue at ikinagagalak din niyang mapakinggan ang piyesong Tsino na Colorful Coulds Chasing the Moon.
Si G.Wang habang kinakapanayam ni Jade Xian, mamamahayag ng CRI Filipino Service
Idinagdag pa ni G. Wang na walang hanggahan ang musika kaya mahalaga ang katuturan ng pagtatanghal ni Dr. Sunico sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas sa Xiamen para mapasulong ang pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga mamamayan ng Pilipinas at Tsina. Inaasahan aniya ang mas marami pang katulad na pagtatanghal na pangkultura sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Mga manonood na kinabibilangan nina ConGen Flores (ika-2 sa kaliwa, unang hanay) at G. Wang Tianming (dulo sa kaliwa, unang hanay), Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office
Marami ang bumilib sa galing ni Dr. Sunico sa pagtugtog ng piano kabilang dito si Thai Consul General Tajtai Tmangraksat na nagsabing "very impressive" ang performance ng concert pianist. Bagamat di daw siya eksperto sa classical music, masasabi ni Chen Bo ng Xiamen Area of China Pilot Free Trade Zone na world-class ang kalibre ni Dr. Sunico kaya napahanga siya.
Si Chico Lim higit 10 taon nang naninirahan sa Xiamen ay medyo nostalgic dahil ka-batch niya si Dr. Sunico sa University of the Philippines na nagtapos din noong dekada 70. Ani Lim maganda ang musika ni Dr. Sunico. Bagamat hindi pamilyar sa classical music, nag-enjoy si Angel Austria sa pakikinig ng mga himig Pinoy. At dahil siya ay nasa labas ng Pilipinas, masaya siyang mapanood ang natatanging talento ng kababayang si Sunico. Dagdag niya dapat na ipagmalaki ang sining ni Dr. Sunico.
Cultural diplomacy, mahalaga
Si Dr. Sunico kasama nina ConGen Flores at G. Wang pagkatapos ng pagtatanghal
Si Dr. Sunico kasama ng Filipino community sa Xiamen pagkatapos ng konsiyerto
Ayon kay Dr. Sunico may gusot man o wala ang cultural diplomacy ay laging ginagamit para mapasulong ang relasyon ng mga bansa. Kahit na may pagkakaiba, pagdating sa kultura lahat ng tao ay marunong magpahalaga at marunong tumingala sa kultura ng iba't ibang bansa. Nagpasalamat siya sa mga nanood at nagpaalala sa mga kababayang laging itayo ang dangal ng ating bansa sa pamamagitan ng mabubuting mga gawain. Tutulak patungong Amerika si Dr. Sunico para sa pagpapatuloy ng kanyang world tour.
Ulat: Mac/Jade
Larawan: Ernest
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |