|
||||||||
|
||
SINABI ni Socioeconomic Planning Secretary Emmanuel F. Esguerra na ang paglisan ng United Kingdom sa European Union ay magkakaroon ng mumunting epekto sa ekonomiya ng Pilipinas dahilan sa matatag na macroeconomic fundamentals.
Sa isang panayam, sinabi ni Secretary Esguerra na hindi gasinong malaki ang epekto ng pag-alis ng Britain sa European Union kahit pa umaasa ang financial markets ay makararanas ng volatility at dagliang paggalaw ng kapital sa madaling panahon dahilan sa kawalan ng katiyakan sa magaganap. Kahit pa magkaroon ng dagliang pagtugon ang mga nasa bahay kalakal, matatag ang ekonomiya ng Pilipinas, dagdag pa ni G. Esguerra na siya ring Director General ng National Economic and Development Authority.
Ipinaliwanag niyang ang ekonomiya ng United Kingdom ay 2.4% ng Gross Domestic Product ng daigdig in PPP terms noong 2015 at kakaunti ang kalakal ng Pilipinas sa United Kingdom na umabot lamang sa 0.9% at kalakal ng UK sa Pilipinas ay 0.5% mula noong 2010 hanggang 2015.
Binanggit din niya na ang indirect effects sa European Union at epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya ay kailangang matyagan. Ang paglawak ng export markets at mga produkto, ang lumalagong kompetisyon at pagpapalakas ng domestic demand ay mahalaga.
Sa larangan ng external debt, ang mga inutang mula sa European Union countries, ang United Kingdom, France at Germany ay umabot sa US$ 6.8 bilyon na 8.8% lamang ng pagkakautang ng Pilipinas sa ibang bansa. Ang kalakihan ng utang ng Pilipinas ay nasa US Dollar na umabot sa 63.0% at Japanese Yen na umabot naman sa 12.4%.
Sa pagkakaroon ng depreciation sa Euro at UK pound ay hindi inaasahang magkakaroon ng epekto sa pagbabayad ng utang (ng Pilipinas) sa ibang bansa.
Kung investments ang pag-uusapan, ang net equity placements mula sa UK ay 4.9% mula noong 2010 hanggang 2015. Tumaas ito sa 20.2% noong 2015.
Ang remittances mula sa UK ay umabot lamang sa 5.3% mula 2010 hanggang 2015 at lumago ng 9.5%. Ang taunang pagpapadala ng mga Filipino sa United Kingdom ay 0.26% ng kalahatan mula 2010 hanggang 2015. Ang mga manggagawang tinanggap ng United Kingdom ay karamihang kinatatampukan ng narses sa pagkakaroon ng 88%.
Kung turista ang pag-uusapan, ang mga dumating mula sa UK ay 2.7% lamang ng pangkalahatan mula noong 2010 hanggang 2015 at lumago lamang ng 9.3%.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |