Ipinahayag kamakailan ni Connie Rahakundini Bakrie, Pangulo ng Indonesian Institute for Maritime Studies, na ang talastasan at pagsasanggunian ng mga claimant country ay pinakamagandang paraan para lutasin ang hidwaan sa South China Sea. Dagdag niya, ang isyu ng South China Sea ay hindi dapat maging hadlang sa relasyon ng ASEAN at Tsina.
Sinabi ni Bakrie, na sinimulan na ang pagtatakda ng ASEAN at Tsina ng Code of Conduct (COC) for South China Sea, at lilikha ito ng mabuting kapaligiran para sa talastasan ng iba't ibang may kinalamang panig ng isyu ng South China Sea. Tinukoy din niyang dapat hanapin ng ASEAN at Tsina ang paraan para panatilihin ang kanilang magandang relasyon, sa pagitan ng hidwaan sa South China Sea.
Kaugnay naman ng pakikialam ng mga bansa sa labas ng rehiyon sa isyu ng South China Sea, ipinalalagay ni Bakrie, na sa katotohanan, walang kinalaman ang Amerika sa isyung ito, at hindi rin nitong inaaprobahan ang United Nations Convention on the Law of the Sea. Kaya aniya, hindi dapat makialam ang Amerika sa mga suliranin sa South China Sea, at mali rin ang pagpapakita nito ng puwersang militar sa rehiyong ito.
Salin: Liu Kai