Mga ministrong panlabas ng Tsina't Amerika, nag-usap hinggil sa isyu ng South China Sea
(GMT+08:00) 2016-07-07 10:29:22 CRI
Sa kahilingan ni Kalihim ng Estado John Kerry ng Amerika, nag-usap sa telepono sila ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina hinggil sa isyung pandagat, Miyerkules, Hulyo 6, 2016.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, inulit ni Wang na batay rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), nagpasiya ang Tsina na hindi makilahok at hindi rin kilalanin ang arbitrasyong unilateral na iniharap ng pamahalaan ni dating pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas.
Ipinagdiinan din ni Wang na anuman ang ilalabas na resulta hinggil sa nasabing arbitrasyon, hindi magbabago ang pangako ng Tsina na mapayapang lutasin, kasama ng mga direktang may kinalamang bansa, ang alitan, batay sa mga bilateral na kasunduan, Karta ng United Nations, at mga pundamental na prinsipyo ng pandaigdig na batas at relasyon. Hiniling din ni Wang sa Amerika na sundin ang sariling pangako nito na hindi kikiling sa anumang bansa, sa mga isyung pansoberanya.
Ipinahayag naman ni Kerry ang pang-unawa ng Amerika sa paninindigan ng Tsina hinggil sa nasabing arbitrasyon. Binigyang-diin din ni Kerry na may komong interes ng Amerika at Tsina upang panatilihin ang kapayapaan sa South China Sea. Sinusuportahan din aniya ng Amerika ang mga bansa sa rehiyong ito na patuloy na nagsisikap para mapayapang maresolba ang mga alitan sa pamamaraang diplomatiko.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
May Kinalamang Babasahin
Comments