Bilang tugon sa kapasiyahan ng Amerika at Timog Korea hinggil sa pagde-deploy ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD), isang modernong missile defense system sa T.Korea, ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-8 ng Hulyo 2016, ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang malaking kawalang-kasiyahan at matatag na pagtutol.
Sinabi ng naturang ministri, na ang pagde-deploy ng THAAD system sa T.Korea ay hindi makakatulong sa pagsasakatuparan ng walang nuklear na Korean Peninsula, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng peninsula. Ito ay labag sa pagsisikap ng iba't ibang panig para lutasin ang isyu ng Korean Peninsula sa pamamagitan ng diyalogo. Ito rin ay makakapinsala sa seguridad ng mga bansa sa rehiyong ito na kinabibilangan ng Tsina, at estratehikong pagkabalanse sa rehiyon.
Ayon pa rin sa ministring ito, hinihimok ng Tsina ang Amerika at T.Korea na bawiin ang nasabing kapasiyahan, at huwag isagawa ang mga aksyong magpapasalimuot ng kalagayang panrehiyon at makakapinsala sa seguridad ng Tsina.
Salin: Liu Kai