|
||||||||
|
||
Ayon sa awtoridad na meterolohikal ng Tsina, dumating na sa Taiwan, Tsina, ang napakalakas na bagyong na si Nepartak kaninang umaga, Biyernes, Hulyo 8, 2016, patunong Fujian province. Maaapektuhan din ang mga probinsya na gaya ng Zhejiang, Jiangxi, Anhui at Jiangsu.
Upang suportahan ang pagkontrol sa baha at pagpapahupa sa kapahamakan, nagpadala ng mas maraming sundalo ang People's Liberation Army (PLA) at armadong pulisya ng Tsina sa mga apektado at maaaring maapektuhang lugar, batay sa kautusan ni Pangulong Xi Jinping ng bansa.
Pumapasok na sa panahon ng tag-ulan ang Tsina, lalong lalo na sa timog, timog-kanluran, at silangang bahagi ng bansa.
Ayon sa Ministri ng mga Suliraning Sibil ng Tsina, hanggang Martes, Hulyo 5, 2016, ang patuloy na pagbuhos ng ulan ay nagdulot ng pagkamatay ng 128 mamamayang Tsino at pagkawala ng mahigit 40 iba pa.
Bukod dito, mahigit 41,000 bahay ang nagiba at isang milyong residente ang inilikas.
Ang tag-ulan ng Tsina ay kadalasang tumatagal mula Hunyo hanggang Agosto. Kapuwa ang Tsina at Pilipinas ay apektado ng habagat. Sa kanyang klasikong A History of Asia, ginamit ni Dr. Rhoads Murphey ang terminong "Monsoon Asia," para tukuyin ang mga bansang apektado ng habagat.
Isang sundalo habang pinapasan ang sandbag para patibayin ang dikeng Dadao sa Baidang Lake sa Tanggou Township, Zongyang County, Anhui Province sa silangan ng Tsina. Larawang kinunan July 6, 2016. (Xinhua/Liu Junxi)
Sa larawan sa itaas, nagpapahingang mga residente sa isang pabilyon sa Huanghuaji area ng Wuhan, Hubei Province sa gitnang Tsina, noong June 26, 2016. Sa larawan sa ibaba, makikitang halos lubog na sa tubig-baha ang parehong pabilyon, noong Miyerkules, Hulyo 6, 2016. (Li Ziyun and Chen Liang/China Daily)
Salin/edit: Jade
Pulido: Rhio
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |