|
||||||||
|
||
MARAMI sa nakapanayam ng CBCPNews ng nagsabing anuman ang kalabasan ng desisyon mula sa Permanent Court of Arbitration, magiging kaaya-aya ang pag-uusap ng magkabilang panig sa isyu ng South China Sea.
Ayon kay dating Philippine Chamber of Commerce and Industry President Ambassador Alfredo Yao, hindi matatapos at malulutas ang isyu ng pag-aari ng kapuluan at karagatan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Maliwanag ang pahayag ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. at ang pagkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig ang pinakamagandang paraan upang malutas ang problema at magiging kapaki-pakinabang para sa lahat.
Sinabi naman ni Albay Congressman Edcel Castelar Lagman na makabubuting hintayin ang hatol ng Permanent Court of Arbitration subalit kailangang maghanda ang Pilipinas para sa puso-sa-pusong pakikipag-usap sa Tsina anuman ang kalabasan ng desisyon.
Umaasa naman si retired Archbishop Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na anuman ang maging desisyon ay huwag na sanang makadagdag sa tensyong namamagitan sa Pilipinas at Tsina, Tsina at America at mga basang Asiano at Tsina.
Sinabi naman ni Employers Confederation of the Philippines chairman Edgardo Lacson nakung papabor sa Pilipinas ang magiging desisyon, kailangang masusing pag-aaral kung paano maipatutupad ang desisyon sa payapang paraan. Nagpaparamdam umano ang Tsina sa pagkakaroon ng live fire exercises ilang araw bago sumapit ang Martes, at maliwanag ang mensahe ng Tsina sa daigdig, lalo na sa Estados Unidos at sa Pilipinas na hindi sila matitinag at hindi rin kikilalanin ang desisyon.
Idinadagdag pa ni G. Lacson na napakahirap ipatupad ng desisyon sa Tsina na hindi naman lumahok sa pagdinig, Malaki rin ang gastos ng Tsina sa kanilang pagtatayo ng garrison mula sa batuhan.
Ang nakababahala ay baka magtangka ang Estados Unidos na makialam ayon sa kanilang personal na interes o sa pagkilala sa mutual defense agreement sa Pilipinas.
Ang ganitong situwasyon ang magpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang nangungunang malalaking bansa sa daigdig at maaaring mahadlangan ang kalakal na dumaraan sa South China Sea.
Subalit may nakikitang liwanag si G. Lacson kung kikilalanin ng Tsina ang panukala ng Pilipinas na magkaroon ng joint venture sa karagatan, kapwa makikinabang ang mga Tsino at mga Filipino. Maaaring pag-usapan ang pag-aari ng kontrobersyal na bahagi ng karagatan sa mga susunod na isang libong taon.
Kung kakaiba ang desisyon at hindi papabor sa Pilipinas, magkakaroon ng panganib sa kapayapaan sapagkat hindi matitiyak kung ano ang gagawin ng Estados Unidos.
Maaaring magkahidwaan sa loob ng ASEAN.
Para kay Professor Rolando Simbulan ng University of the Philippines, isang pagsubok ito sa Tsina kung tutugon sa tinaguriang rule of law o rule of force. Idinagdag ni Prof. Simbulan na nararapat alamin ng Pilipinas ang posibleng paraan tungo sa payapang paglutas sa isyu.
Kung sakaling papabor sa Pilipinas ang desisyon, higit na magkakaroon ng leverage ang bansa sa pakikipag-usap sa Tsina.
Hindi rin nararapat gamitin ng Estados Unidos ang desisyon upang gamitin ang lakas militar nito sapagkat titindi ang tensyon na maaring mauwi sa digmaan na mapapagitna ang Pilipinas sapagkat ginawang isang malaking aircraft carrier ang bansa sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nilagdaan ng dalawang bansa noong Abril 2014.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |