Ipinahayag kamakailan ni Punong Ministrong Hun Sen ng Kambodya ang pag-asang maibibigay ng Tsina sa kanyang bansa ang 600 milyong dolyares na tulong sa larangan ng serbisyong medikal, edukasyon, malinis na tubig, at iba pa. Ito aniya'y makakatulong sa kanyang paglahok sa gagawing pambansang halalan. Samantala, sinabi ng Associated Press na ang Tsina ay pangunahing kaalyado at katuwang na pangkabuhayan ng Kambodya, bilang kapalit, nagbibigay-suporta naman ang Kambodya sa Tsina sa isyu ng South China Sea.
Kaugnay nito, ipinahayag noong Hulyo 21, 2016 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na bilang dalawang umuunlad na bansa at estratehikong magkatuwang, napapanatili ng Tsina at Kambodya ang matapat na pagtutulungan sa ibat-ibang larangan. Aniya, ang tulong na ibinibigay ng Tsina sa Kambodya ay walang anumang kondisyong pampulitika, at katanggap-tanggap ito para sa mga mamamayang Kambodyano. Umaasa aniya siyang itatakwil ng ilang panig ang mga di-obdiyektibong pananalita hinggil sa nasabing usapin.