|
||||||||
|
||
Anang komunike, sapul nang itatag noong 31 December 2015 ang ASEAN Community, patuloy na nagsisikap ang iba't ibang bansang ASEAN, para palalimin at pasulungin ang konstruksyon ng komunidad na ito at integrasyong panrehiyon. Ipinangako ng mga bansang ASEAN ang komprehensibo at epektibong pagpapatupad ng ASEAN Community Vision 2025 at tatlong bagong Blueprints hinggil sa pag-unlad ng komunidad na ito sa hinaharap.
Inulit ng mga bansang ASEAN, na patuloy na pananatilihin at pasusulungin ang kapayapaan, katiwasayan, at katatagan sa rehiyon, at mapayapang lulutasin ang mga hidwaan, alinsunod sa mga prinsipyo ng pandaigdig na batas, na kinabibilangan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Inilahad ng komunike ang mga hamon sa pagpapasulong ng Political-Security Community, Economic Community, at Socio-Cultural Community. Iniharap din ang mga patakaran at prinsipyo bilang tugon sa mga hamong ito.
Kaugnay ng relasyong Sino-ASEAN, ipinahayag ng komunike ang kasiyahan sa pag-unlad ng relasyon at kooperasyon ng dalawang panig. Ipinahayag din nito ang pag-asa para sa mas maraming pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at ASEAN sa taong ito bilang taon ng pagpapalitan ng edukasyon, at sa susunod na taon bilang taon ng pagpapalitan ng turismo.
Pagdating naman sa isyu ng South China Sea, nagbibigay-diin ang komunike sa komprehensibo at mabisang pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at pagkakaroon ng Code of Conduct (COC) sa lalong madaling panahon. Inulit ng ASEAN, na dapat magkaroon sa lalong madaling panahon ng hotline sa pagitan ng mga ministrong panlabas, para pangasiwaan ang mga pangkagipitang pangyayari sa South China Sea. Umaasa rin itong mararating ng iba't ibang panig ang magkasanib na pahayag hinggil sa pagtalima sa Code for Unplanned Encounters at Sea sa South China Sea.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |