Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-29 ng Hulyo 2016, ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore, na dinakip ng Internal Security Department ng kanyang bansa ang isang 44 taong gulang na lalaki, na si Zulfikar Mohamad Shariff, dahil sa kanyang pagpapalaganap ng teroristiko at ekstrimistikong ideolohiya sa social network. Ani Lee, ang ginawa ng lalaking ito ay pinaghihinalaang lumabag sa batas sa seguridad na panloob ng Singapore.
Dagdag pa ni Lee, walang espasyo sa Singapore para sa mga ekstrimista at kanilang pinalalaganap na marahas na ideolohiya. Nanawagan din siya sa mga mamamayan ng Singapore, na panatilihin ang pagmamatyag sa ganitong mga tao.
Ayon pa rin sa Ministri ng Suliraning Panloob ng Singapore, si Zulfikar ay mayroong dual citizenship ng Singapore at Australia. Dinakip siya noong unang araw ng buwang ito, pagkaraang dumating sa Singapore mula Australia.
Salin: Liu Kai