Nagtagpo ngayong araw, Biyernes, ika-5 ng Agosto 2016, sa Vientiane, Laos, sina Gao Hucheng, Ministro ng Komersyo ng Tsina, at Ramon Lopez, Kalihim ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas.
Pagkaraan ng pagtatagpo, sinabi sa media ni Gao, na nagpalitan ng palagay ang dalawang panig, pangunahin na, hinggil sa ibayo pang pagpapanumbalik at pagpapaunlad ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas, lalung-lalo na ng kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, turismo, at iba pa. Ayon pa rin sa kanya, sinang-ayunan ng dalawang panig, na bago ang katapusan ng taong ito, panunumbalikin ang mekanismo ng magkasanib na komite ng Tsina at Pilipinas sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, na suspendido na sa loob ng nagdaang limang taon.
Ipinahayag din ni Gao, na dapat maayos na hawakan ng Tsina at Pilipinas ang isyu ng South China Sea, sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo at mga umiiral na mekanismo ng pagsasanggunian ng Tsina at ASEAN. Aniya, ang ganitong paraan ay hindi makakaapekto sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai