|
||||||||
|
||
UNANG PAG-UUSAP SA HONG KONG, TAGUMPAY. Nakabalik na sa Pilipinas sina dating Pangulong Fidel V. Ramos at mga kasama matapos ang limang araw na pagdalaw sa Hong Kong. Makikita sa larawan (mula sa kaliwa) sina G. William Go, dating DILG Secretary Rafael M. Alunan III, Madam Fu Ying, chairman ng Foreign Affairs Committee ng National People's Congress at dating Ambassador sa Pilipinas noong 1998 hanggang 2000), dating Pangulong Fidel V. Ramos, Dr. Wu Shicun, pangulo ng National Institute for South China Sea Studies at dating ABC Beijing Bureau chief Chito Sta. Romana. Nakatayo sa likuran sina Sam Jones at Wendy Go. (RMA Photo)
MALAKI ang posibilidad na higit na iinit ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina matapos ang ilang araw na pagdalaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, dating Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III at dating ABC Beijing Bureau chief Chito Sta. Romana sa Hong Kong.
Nakaharap nila si Madam Fu Ying, ang chairman ng Foreign Affairs Committee ng National People's Congress at dating Ambassador ng Tsina sa Plipinas mula 1998 hanggang 2000 at Prof. Wu Shicun, pangulo ng National Institute for South China Sea Studies ng Tsina sa isang magandang pag-uusap.
Pinag-usapan nila ayon sa kanilang personal na katayuan ang pagkakaibigan at pagtutulungan ng magkabilang panig upang makamtan ang mapayapang kalakaran.
Ayon sa isang pahayag na ipinadala mula sa Hong Kong, napagkasunduan ng magkabilang panig na ipagpatuloy ang pagbuo ng pagtitiwala upang mabawasan ang tensyon at magkatotoo ang ang pagtutulungan upang makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa sa pag-aalaga ng karagatan at sa likas na yaman nito, pag-iwas sa tensyon at pagsusulong ng pagtutulungan sa pangingisda, pagtutulungan laban sa iligal na droga at smuggling, pagtutulungan laban sa krimen at katiwalian, pagpapahusay ng turismo, pagpapadali ng kalakal at investments sa magkabilang panig at pagpapalitan ng mga dalubhasa sa mahahalagang isyung kinakaharap ng Pilipinas at Tsina.
Magtutulungan din ang dalawang bansa upang makatulong sa mga mahihirap na bahagi ng kani-kanilang lipunan. Patuloy na pahahalagahan ang matagal na panahong pagkakaibigan ng magkalapit-bansa para sa ikabubuti ng mga susunod na salinglahi.
Umaasa ang Tsina na makadadalaw si dating Pangulong Ramos sa Beijing bilang special envoy ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sinabi rin ni G. Ramos na umaasa ang Pilipinas na magkakaroon ng formal discussions sa pamahalaang Tsino sa mga isyung may kinalaman sa magkabilang panig sa tamang panahon upang mabatid ang tatahaking daan tungo sa kapayapaan at pagtutulungan.
Nagkita ang magkabilang-panig sa Hong Kong sa kanilang personal na kapasidad at nagagalak sa kinahinatnan ng pag-uusap samantalang umaasang magkakaroon ng pag-uusap sa Beijing at Maynila at iba pang posibleng pook.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |