|
||||||||
|
||
TUMANGGI si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa mga akusasyong mamamatay tao ang mga pulis. Ito ang kanyang sinabi sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa ikalawang araw ng pagdinig kanina.
Hiningan ng paliwanag ni Senador Gregorio Honasan II, isang kapwa nagtapos sa Philippine Military Academy si General dela Rosa hinggil sa kanyang pagkasiphayo sa unang araw ng pagdinig sa tanong ni Senador Antonio Trillanes IV na palitan ang mga pulis na hindi makapipigil sa mga pagpaslang sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni General dela Rosa na nais nilang gampanan ang kanilang gawain at nagbubuwis na rin ng buhay ang mga tauhan subalit nagkakakaso pa rin sa mga hukuman. Mas makabubuting ibalanse umano ang pagtrato sa mga pulis, dagdag pa ni General dela Rosa.
Nalulungkot umano siya sapagkat kahit nagtatagumpay ang pulisya laban sa droga, ilang sektor ang nagtatampok sa kanila bilang mga kalaban.
Inamin din ng pinuno ng pulisya na ang pagkakaso sa kanyang mga tauhan ay isang mahirap na gawain sapagkat mayroon ng kasong murder laban kina PO2 Alipio Balo, Jr. at PO1 Michael Tomas, ang mga pulis na diumano'y pumaslang sa pusher na si Jaypee Berte at sa kanyang amang si Renato na nagtangkang mangagaw ng kanilang baril noong ika-pito ng Hulyo.
PNP CHIEF DELA ROSA, BUMALIK SA SENADO. Bumalik si PNP chief Director General Ronald Dela Rosa sa ikalawang araw ng pagdinig ng Senate Committee on Justice sa sinasabing extrajudicial killings. Makikita sa larawan si General dela Rosa na nakikipag-usap sa ilang mga kasapi ng Senado. (Senate PRIB Photo)
MGA AKUSADONG PULIS, DUMALO SA PAGDINIG SA SENADO. Tila umiiwas sa mga mamamahayag sina PO2 Alipio Balo, Jr. (kaliwa) at PO1 Michael Tomas sa kanilang pagdalo sa pagdinig sa Senado kaninang umaga. Akusado ng murder ang dalawa sa diumano'y pagbaril at pagpatay sa mag-amang Bertes sa Pasay City police station noong isang buwan. (Senate PRIB Photo)
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |