Sa preskon ng G20 Hangzhou Summit na idinaos kahapon, Huwebes, Setyembre 1 2016, isinalaysay ni Yi Gang, Pangalawang Puno ng People's Bank of China (PBoC), bangko sentral ng bansa, na sa kasalukuyang summit, tatalakayin, sa kauna-unahang pagkakataon, ang hinggil sa green financing.
Ayon kay Yi, ang green financing ay tumutukoy sa mga paraan ng pangangalap ng pondo, na mas mabuti sa kapaligiran, magbabawas ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa, magbabawas din ng emisyon ng greenhouse gas, at magpapataas ng episiyensiya ng paggamit ng mga likas na yaman. Ito aniya ay angkop sa ideya ng green economy at sustenableng pag-unlad ng kabuhayan.
Sinabi ni Yi, na sa pagtataguyod ng Tsina, binuo ng PBoC at Bank of England ang grupong mag-aaral sa green financing. Ginawa at isinumite aniya ng grupong ito sa G20 Hangzhou Summit ang isang komprehensibong ulat hinggil sa green financing, kung saan inilakip ang mga pamantayan, at mga mungkahi para sa pagpapaunlad nito.