
Dumating nitong Linggo, September 18, 2016 sa New York si Premyer Li Keqiang ng Tsina para dumalo sa Ika-71 Sesyon ng United Nations (UN) General Assembly.
Sa kanyang nakatakdang talumpati sa general debate ng nasabing pagtitipon, ipapaabot ni Premyer Li ang paninindigan ng Tsina hinggil sa kaayusang pandaigdig, pamamahalang pandaigdig, kapayapaan at pag-unlad, at iba pang mga pangunahing isyu. Ilalabas din ni Li ang mga pragmatikong hakbang ng Tsina para tulungan ang UN sa pagharap sa mga hamong pandaigdig.
Nakatakda ring panguluhan ng Premyer Tsino ang isang talakayan hinggil sa sustenableng pag-unlad, daluhan ang high-level meeting ng UN General Assembly para sa paglutas ng mga isyu na gaya ng mass movement ng mga refugee at mandarayuhan, at daluhan rin ang leader's summit hinggil sa isyu ng mga refugee.
Bukod dito, makikipagtagpo si Premyer Li kay Ban Ki-Moon, Pangkalahatang Kalihim ng UN, at makikipag-usap sa mga lider ng iba't ibang bansa, gaya ni Pangulong Barack Obama ng Amerika.
Pagkaraan ng pagdalaw sa New York, bibisita si Premyer Li sa Kanada at Cuba.
Salin: Andrea