Ipinahayag Setyembre 26, 2016, sa Beijing ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na matagumpay ang katatapos na pagdalaw ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Canada, mula Setyembre 21-24, 2016.
Ani Geng, bilang kauna-unahang biyahe ng Premyer Tsino sa Canada, nitong 13 taong nakararaan, ito ay nagsisilbing simula ng taunang mekanismong pandiyalogo ng mga PM ng dalawang bansa. Aniya, nagkasundo ang dalawang panig sa pagpapalalim ng pagtutulungan sa ibat-ibang larangan para ibayong mapasigla ang relasyong Sino-Canadian sa mas mataas na antas, sa darating na 10 taon. Samantala, sinang-ayunan aniya ng dalawang panig ang pinahigpit na pagpapalitan sa ibat-ibang antas at mekanismo para palakasin ang kanilang pag-uunawaan, at maayos na lutasin ang pagkakaiba ng palagay.
Bukod dito, inilahad din aniya ni Premyer Li ang paninindigan ng Tsina sa pagpapasulong ng pragmatikong pakikipagtulungan sa Canada sa ibat-ibang larangan, sa Porum ng Pagtutulungang Pangkabuhayan at Pangkalakalan ng Tsina at Canada. Aniya pa, ipinalabas ang Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Canada, at nilagdaan din nila ang mga katugong dokumento.