|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina – Sa magkakahiwalay na panayam sa Serbisyo Filipino ng ilang Pilipinong opisyal na kasama ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pagdalaw sa Tsina, ipinahayag nila ang optimismo at pananabik sa tagumpay ng nasabing biyahe upang mapalakas at mapanumbalik sa tamang landas ang relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Sina Rhio Zablan mula sa China Radio International at Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos
Ipinahayag ni Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos na ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Tsina ay napakaganda dahil ito ay parang senyales na rin ng pagbabago ng polisiya ng Pilipinas at pagbabalik sa tamang landas ng relasyon ng dalawang bansa.
"Ito ay magiging malaking tulong sa kapwa Pilipinas at Tsina dahil ito'y magbubukas ng ilang maaring [kooperasyon], tulad ng joint project," ayon pa kay Senador Marcos.
Anang senador, ang nasabing biyahe ay magsisilbi ring pampalamig sa sitwasyon doon sa South China Sea.
Sina Rhio Zablan mula sa China Radio International at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo (kanan sa litrato)
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, na napakaganda ng prospek ng pagdalaw na ito, sapagkat ang mga pag-uusapan ay iyong mga hindi pinag-aawayan, kundi iyong mga pwedeng pagkasunduan.
"Maraming mga negosyanteng Pilipno [at] marami ring negosyanteng Chinese, [kaya] depende siguro kung ano ang pwedeng pag-usapan. Lahat yata ng negosyo ay pwedeng pag-usapan," dagdag pa niya.
Sa isa pang panayam kay Philippine National Police Chief General Ronald "Bato" Dela Rosa, maganda ang prospek ng kooperasyon ng Pilipinas at Tsina pagdating sa paglaban sa ilegal na droga.
"All-out ang suporta nila sa atin at ipinangako nilang magbibigay ng mga kinakailangang gamit sa ating war on drugs," dagdag ni Bato.
Ipinahayag din niya ang pag-asa sa patuloy na suporta ng lahat ng Pilipino sa kampanaya ng pamahalaan laban sa droga, dahil ang tagumpay aniya ng kampanya ay tagumpay ng lahat ng Pilipino.
/end/ rhio/jade/ernest//
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |