|
||||||||
|
||
KAILANGANG paghandaan ng Pilipinas ang napipintong pagdagsa ng mga turista mula sa iba't ibang bansang dinalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na ilang linggo.
MGA TSINO, DADAGSA SA PILIPINAS. Sinabi ni G. Wilson Lee Flores, isang bantog na kolumnista sa Philippine Star na umaasa siyang darating ang maraming turista mula sa Tsina sa matagumpay na pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing kamakailan. Idinagdag niyang kailangang mabigyan din ng kaluwagan sa visa ang mga panauhin. (Melo M. Acuna)
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina, sinabi ni Wilson Lee Flores, isang kolumnista ng Philippine Star na makakaasa ang bansang tataas ang bilang ng mga turistang banyaga matapos ang matagumpay na pagdalaw ni ang. Duterte sa Tsina at Japan. Inalis na ng Tsina ang travel advisory sa mga Tsinong dadalaw sa Pilipinas.
MGA PASILIDAD, KAILANGAN MAAYOS AGAD. Ito naman ang panawagan ni G. Carlos H. Yturzaeta, isang madalas maglakbay sa loob at labas ng Pilipinas. Sa pagdating ng mga panauhin, kailangang maayos ang daratnan at may sapat na pasilidad upang mabawasan ang panahong gugugulin sa traffic. Kailangan din ang malawakang pagbabalak sa larangan ng turismo. (Melo M. Acuna)
Idinagdag naman ni Carlos Yturzaeta, isang madalas dumalaw sa iba't ibang bansa na mayroong 100 milyong mga milyonaryo sa pamantayan ng mga Tsino na makagagasta ng higit sa US$ 1,000 bawat isa sa kanilang karaniwang pamimili.
PAGLILINIS NG KAPALIGIRAN, KAILANGAN. Ayon kay dating Federal of Bureau of Investigation chief sa Maynila Dr. Stephen Cutler, ang paglilinis ng kapaligiran ay mahalaga upang huwag magdalawang-isip ang mga banyagang turistang dumalaw sa Pilipinas. Idinagdag pa rin niyang may kakayahan ang pamahalaang maibsan ang kriminalidad sa bansa. Naniniwala rin siyang ligtas ang mga darating sa bansa sa Enero para sa Miss Universe sapagkat naidaos ng maayos ang APEC noong 2015 at ang pagdalaw ni Pope Francis noong nakalipas na taon. (Melo M. Acuna)
Sa panig naman ni Dr. Stephen Cutler, dating station chief (sa Maynila) ng Federal Bureau of Investigation, kailangang malinis ang paligid ng mga bantog na tourist spots sa mga namamalimos, madudungis ng mga mamamayan, halos hindi na umaalis sa tabi ng mga turista at nanghihingi ng barya. Karaniwan na umano ito sa mga paliparan tulad ng Caticlan hanggang sa makarating sa pantalan.
Ani Dr. Cutler, pagdating naman sa Boracay, pipilitin kang sumakay sa kanilang mga sasakyan kahit na may salubong na mula sa titirhan.
Idinagdag naman ni G. Flores na mas magandang pababain ng mga may hotel ang kanilang singil sa mga turista sapagkat may mga hotel na nagpapakilalang five-star subalit wala namang kakayahang maging five-star hotels.
Kailangan ding maging maayos at maasahan ang mga eroplano, barko at iba pang sasakyan. Kung maiibsan lamang ang traffic, malaking bagay na ito. Binanggit din ni G. Yturzaeta ang karansan ng mga banyagang dumarating sa Pilipinas na paglabas pa lamang ng paliparan ay mga pulubi, mga maralitang taga-lunsod ang makikita na nakatira sa mga barong-barong. Nakalulungkot at nakasisikip ng dibdib ng isang biyaherong makakita ng nakalulungkot na situwasyon.
Sa pangkalahatan, kailangang daluhan ng bansa ang ilang mga programang kayang makamtan tulad ng pagluluwag ng visa requirements sa mga turistang Tsino tulad ng sinabi ni G. Flores at Yturzaeta. Marapat ding magkaroon ng iisang tinig ang pamahalaan, maging pambansa o pang-lokal man upang makabuo ng malawakang balak sa turismo.
Nararapat ding ipabatid sa lahat ang kahalagahan ng customer service. Nararapat ding walang abala sa mga paliparan tulad ng NAIA at mga maliliit na paliparan tungo sa mga tourist resorts.
Nararapat ding malinis ang mga pook na madalas dalawin ng mga turista. Bukod sa lahat, nararapat lamang manguna ang pamahalaan sa pag-alam ng mga programa ng mga kalapit bansa upang subukang mahigitan ang mga ito.
Binuo ang espesyal na edisyon ng Tapatan sa Aristocrat dahil sa pangangailang paghandaan ang inaasahang pagdagsa ng mga Tsinong turista matapos alisin ng pamahalaang Tsino ang travel advisory sa paglalakbay sa Pilipinas.
Sa ginawang paglalakbay ng isang delegasyon ng mga mamamahayag na Filipino sa iba't ibang bahagi ng Tsina noong nakaraang linggo, namasdan ang iba't ibang programa sa larangan ng agri-tourism at pagpapanatili ng mga liwasan.
Sa panayam na ginawa sa Dragon River Retreat sa Yangshuo, Guilin sa Tsina, sinabi ng isa sa mga namamahala sa larangan ng turismo na mahalaga ang pagkakaroon ng master plan upang mabatid ang direksyon ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng kabatiran sa madla sa magagandang pook sa isang bansa.
Niliwanag ng dalubhasa na bukod sa master plan, kailangang magkaroon ng kapaligiran at kalikasang makikita ng mga dadalaw na turista. Maliban sa kapaligiran at kalikasang makikita, kailangan din ang mga pagawaing-bayan upang huwag maantala ang pagdalaw at paninirahan at paglalakbay ng mga panauhin. Kailangan ding magkaroon ng angkop na serbisyo upang matugunan ang pangangailangan ng mga dumadalaw.
Sa Yangshuo ay mayroong 600 mga hotel na may kabuuhang 30,000 bed capacity. Ang munting bayang ito'y dinadalaw ng may 13 milyong turista taun-taon. Dadalawang milyong turista lamang ang mga banyaga sapagkat ang 11 milyon ay pawang mga domestic tourists.
Karaniwang sakay ng bullet train ang mga turista kungdi ma'y sa airconditioned buses na karaniwang makikita sa labas ng malalaki't maliliit na hotel.
Ang tren ay isang mahalagang sasakyan para sa domestic at foreign tourists sa alinmang bansa. Ang mga paliparan ay kailangan ding mapaunlad upang higit na makinabang ang mga turista sa kanilang paglalakbay sa Pilipinas, dagdag pa ng mga panauhing dumalo sa Tapatan sa Aristocrat.
Sa panig ni Police Sr. Supt. Celso Bael, ang nangangasiwa sa Intelligence Research Center ng Directorate for Intelligence, isang maliwanag na hamon para sa pamahalaan ang panganib na dulot ng Abu Sayyaf na nasangkot na naman sa pagdukot sa mga tauhan ng MV Royale 16 na may 19 na tripulanteng Vietnamese samantalang may 12.5 nautical miles mula sa Barangay Sibado, Mohamad Ajul, Basilan. Sampung armadong kalalakihan ang sumakay at dinukot ang anim na Vietnamese na kinabibilangan ng kapitan.
Isang Aleman ang dinukot kamakailan samantalang natagpuang patay ang kanyang maybahay samantalang sakay ng isang yate.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |